pagbubuntis sa ika-16 linggo

Tagal ng pagbabasa: 3 minuto

Anu-ano Ang Mga Dapat Mong Asahan sa Pagbubuntis sa ika-16 Linggo

Alam kong mas excited ka na ngayong nasa ika-16 linggo ka nan g iyong pagbubuntis. Baka galing ka sa doktor mo at narinig mo nanaman ang pagtibok ng puso ng sanggol na nasa iyong sinapupunan.

Malamang na nararamdaman mo na ang pagsipa ng baby mo! Alam mo ba na sa linggong ito ng iyong pagbubuntis ay naririnig ka na ni baby?

Basahin mo ang artikulong ito para malaman mo ang iba pang mga impormasyong kailangan mong malaman ukol sa pagbubuntis sa ika-16 Linggo

Kumusta na si baby sa ika-16 linggo ng iyong pagbubuntis?

Alam mo ba na sa linggong ito, kasing laki na ng isang piraso ng abokado ang iyong sanggol. Si baby ay mahigit apat na pulgada na at tumitimbang ng 3.5 na onsa.

Kung 16-linggo kanang buntis, ikaw ay apat na buwan nang buntis. Ibig sabihin, papalapit nang papalapit ang pinakahihintay ninyong araw ng pamilya mo. Narito ang mga sintomas ng pagbubuntis sa ika-16 linggo.

Ano kaya ang itsura ng baby sa sinapupunan sa ika-16 linggo?

Sa yugtong ito ng pagbubuntis ay nagsisimula nang maramdaman ng isang nanay ang paminsan-minsang pagsipa at paggalaw ni baby. Sa una, malamang na mapagkamalan mong hangin lamang sa tiyan ang gumagalaw o kaya ay pagkirot lamang ng iyong mga kalamnan. Pero habang mas tumatagal, mas nagiging malakas na ang sipa ni baby kaya hindi mo na ito mapagkakamalan pa.

Tandaan na malamang na sa yugtong ito ng iyong pagbubuntis ay maramdaman mo na kinakapos ka nang paghinga. Dahil yan sa patuloy na paglaki ni baby na nagiging dahilan ng pagsikip ng lugar na kung saan dating malayang gumagalaw ang iyong baga.

Ano kaya ang itsura ng baby sa sinapupunan sa ika-16 linggo?

Dahil sa unti-unti nang nabubuo ang mga buto sa loob ng tenga ng sanggol, malamang na naririnig ka na ni baby! Tumutubo na rin ang kanyang mga buhok, kilay at pilik mata. Nabubuo na rin ang kanyang mga taste buds sa yugtong ito nga pagbubuntis.

Ano ang pinakamagandang balita para sa iyo sa linggong ito? Kung normal ang mga test at ultrasound na isinagawa ng iyong OB, ang posibilidad na ikaw ay makunan ay iisang porsyento na lamang!

Pangkaraniwang mga sintomas ng pagbubuntis sa ika-16 Linggo

Narito ang isang interesting na kaalaman tungkol sa mga sintomas ng pagdadalang tao sa ika-16 linggo. May mga sintomas na hindi nakakainis bagkus maganda pa nga sa mga nanay. Halimbawa may mga buntis na nakapapansin na ang kanilang mga buhok at kuko ay mas mabilis na humaba kumpara sa kung sila ay hindi buntis. Mas kumakapal ang buhok, ang balat ay mas nagiging blooming at mas maputi.

Narito pa ang ilan sa mga sintomas na kailangan mong bantayan sa ika-16 linggo ng iyong pagbubuntis.

  • Pananakit ng likod – Ang pananakit ng iyong likod ay epekto ng patuluyang pagdagsa ng mga hormones na konektado sa pagbubuntis. Para mawala ang pananakit, kailangan mong mag-ehersisyo. Tandaan lamang na hindi pwede sayo ang mabibigat na mga ehersisyo kasi nga buntis ka. Subukang maupo at tumayo ng tuwid at regular na mag-stretching para mabawasan ang pananakit ng likod na dala ng pagbubuntis.
  • Paglaki ng mga dibdib – Ang paglaki ng iyong mga suso ay paghahanda para sa iyong nalalapit na panganganak at pagpapasuso. Kung ito man ay bahagyang sumasakit, isipin na ito ay isang normal at hindi maiiwasang proseso.
  • Kahirapan sa pagdumi – Kapag ang matris ay magsimula nang lumaki, maaaring maging dahilan ito ng paninikip sa sikmura at kahirapan sa pagdumi. Kumain ka ng mga pagkaing mayaman sa fiber at uminom ng maraming tubig para mas madali kang makadumi. Tandaan na ang kahirapan sa pagdumi ay maaaring maging sahi ng almoranas.
  • Pagiging makakalimutin – Ang pagiging makakalimutin pala ay isa rin sa mga sintomas na nararanasan sa yugtong ito ng pagbubuntis. Hindi tiyak ng mga dalubhasa kung ano nga ba ang dahilan kung bakit nagiging mas makakalimutin ang mga buntis. Pero isa lang ang tiyak, maraming mga bagay ang iniisip ng isang buntis lalo na kung ikaw ay papalapit na sa araw ng iyong panganganak.
  • Pagiging tuyo at sensitibo ng mga mata – Bakit kaya makati ang mata ng mga buntis sa ika-16 na linggo? Ito ay malamang na resulta ng mga pagbabago sa iyong hormones. Pwede kang gumamit ng mga eye drops na mabibili sa botika, pero sumangguni ka muna sa doktor mo bago ka gumamit ng anuman.

Checklist sa ika-16 linggo ng pagbubuntis

Narito ang mga paalala sa ika-16 na linggo ng iyong pagdadalang tao

  • Ikalendaryo mo na ang ika 20 linggong prenatal checkup
  • Mag-appointment na para sa iyong ultrasound
  • Magsimula nang maglista ng mga pangalan ng baby

KATULAD NA MGA ARTIKULO