Pagbubuntis sa Ika-41 Linggo

Tagal ng pagbabasa: 4 minuto

Pagbubuntis sa Ika-41 Linggo: Mga Dapat Tandaan at Gawin sa Linggo ng Panganganak

Pustahan, hindi mo kailanman naisip na aabot ka sa ika-apatnapu’t isang linggo ng pagbubuntis. Pero, nandito ka na! Dahil mas matagal ang inilagi ng iyong anak sa sinapupunan, mas magiging mabigat at malusog siya kaysa sa inaasahan.

Nakakakaba ang paghihintay sa Pagbubuntis sa Ika-apatnapu’t isang Linggo ngunit, huwag mag-alala dahil maraming buntis ang lumalampas din sa itinakdang araw ng kanilang panganganak. Sa totoo lang, maaring maging mapagpasalamat ka dahil may dagdag ka pang oras para sa iyong sarili.

Gaano kalaki ang 41 linggong sanggol sa sinapupunan?

Ang iyong anak ay kasinglaki ng isang pakwan. Ang apatnapu’t isang linggong fetus ay karaniwang may haba na 20.4 inches at bigat na 7.9 pounds.

Ilang buwan ang katumbas ng Pagbubuntis sa Ika-41 Linggo?

Ang apatnapu’t isang linggong pagbubuntis ay maihahalintulad sa siyam na buwan at isang linggo. Kabilang ka sa mga buntis na lampas sa kanilang due date, ang galing!

Iba’t ibang mga sintomas ng ika-41 linggong buntis

Ang karaniwang mga sintomas ng ika-apatnapu’t isang linggong buntis ay karugtong ng mga sintomas sa ikatatlong trimester. Lalo na ang mga sumusunod:

  • Pananakit ng balakang. Ang iyong anak ay mas lalo pang bumaba. Nagbibigay ito ng matinding bigat sa iyong pantog at cervix dahilan upang makaramdam ka ng matinding kirot at sakit sa ibabang bahagi ng iyong katawan.
  • Almoranas. Ang matinding bigat ay nagdudulot ng pamamaga ng varicose veins sa iyong rectum dahilan upang ikaw ay magkaroon ng almoranas. Maaring mas lalo itong lumala kapag ikaw ay umire para ilabas ang iyong anak. Ngunit, konting tiis na lamang dahil mawawala rin ito.
  • Problema sa pagtulog. Ang mga hormones at ugat ang siyang dahilan kung bakit nahihirapan ka matulog sa gabi. Sabagay, isipin mo na lamang na isa itong pagsasanay dahil sa totoo lang, hindi ka rin naman masyadong makakatulog kapag dumating na ang iyong anak. Ngunit, subukan mo pa rin magkaroon ng sapat na tulog bago ka manganak.
  • Madalas na pag-ihi. Sa puntong ito, ang iyong anak ay nasa bahagi na ng iyong pantog. Kaya, huwag ng ikagulat ang mas pinadalas pa na pagpunta sa palikuran.
  • Contractions. Ang paghigpit o pagsikip ng iyong tiyan ay mas magiging madalas pa habang papalapit ang paglabas ng iyong anak.

Mga senyales ng panganganak sa ika-41 linggong ng pagbubuntis

Ngayong nasa ika-apatnapu’t isang linggo ka na ng pagbubuntis, siguradong kabisadong-kabisado mo na ang mga senyales na ito. Ngunit, para makasigurado, narito ang mga senyales ng Pagbubuntis sa Ika-apatnapu’t isang Linggo. Tawagan ang iyong doktor kapag:

  • Nagkaroon ka ng tila tubig na discharge, indikasyon na pumutok na ang iyong palatubigan
  • Masakit at hindi tumitigil na contractions

Sabihin din agad sa iyong doktor kapag ikaw ay nakaranas ng mga hindi ordinaryong mga sintomas gaya ng pagdurugo at matinding pananakit sa balakang.

Kung sa araw na ito ay wala ka pang nararanasang anomang sintomas ng panganganak, maging matiyaga ka. Hindi ibig sabihin na bagama’t hindi pa nakabuka ang iyong cervix sa oras na ito ay hindi ka pa manganganak kinabukasan. Tandaan na ang panganganak ay maaring maganap sa hindi inaasahang panahon.

Paano mapapalabas ang sanggol pagsapit ng ika-41 linggo ng pagbubuntis?

Pagod ka na ba at naiinip? Hindi kita masisi. Ang Pagbubuntis pagkatapos ng ika-apatnapung linggo ay hindi na masyadong nakakatuwa. Maaring pagod ka ng sumagot kapag tinatanong ka ng iba na, “Buntis ka pa rin?!”

Kaya sige, subukan mo ang mga natural at ligtas na induction method na mababasa mo sa libro (ngunit, para makasigurado ay tanungin muna ito sa iyong OB). Ang pagkain ng maanghang ay magdudulot ng heartburn kaya hindi ito ligtas. Sa halip, maglakad-lakad, makipagtalik, at subukan ang acupuncture.

Maaring kausapin ka na ng iyong OB tungkol sa medical induction pagsapit mo sa ika-apatnapu’t isang linggo sapagkat ang mga sanggol na masyado ng lampas sa kanilang due date ay may mataas na posibilidad magkaroon ng komplikasyon. Tanungin ang iyong doktor tungkol sa mga posibleng panganib ng Pagbubuntis sa ika-apatnapu’t isang linggo.

May magandang hatid ang induced labor ngunit, may ilan na nagsasabing mas masakit ang contractions na dulot nito. Sa katunayan, may ilan na pipiliin na lamang maghintay sa kanilang tahanan hanggang dumating ang tunay na araw ng kanilang panganganak kaysa pilitin ito sa ospital.

Kung pipiliin mo na magkaroon ng induced labor pagsapit ng linggong ito, narito ang mga paraan kung paano ito isasagawa:

Stripping membranes. Isa itong natural na induction method ngunit, kailangan na doktor mismo ang magsagawa nito. Sa kabutihang palad, maari na itong gawin sa opisina ng doktor at hindi sa ospital. Kung nais mong subukan ang masakit na pamamaraang ito, ipapasok ng iyong doktor ang ilan sa kaniyang mga daliri sa palibot ng amniotic sacs upang ihiwalay ang mga ugat na nadoon at mapilitang maglabas ng hormones ang iyong katawan. Hindi ito palaging gumagana ngunit, kung oo ay manganganak ka na sa loob lamang ng ilang oras.

Artificial rupture of membranes (AROM). Papaputukin ng iyong doktor ang iyong palatubigan sa pamamagitan ng maliit na plastic na kawit. Maari itong gawin kapag patuloy kang nakakaranas ng contractions ngunit, hindi pa rin ito tumutuloy sa aktwal na panganganak.

Pag-inom ng gamot. May dalawang uri ng gamot na maaring inumin upang ma-induced ang panganganak. Ang una ay prostaglandin suppository na inilalagay magdamag tulad ng isang tampon upang bumuka ang cervix at ang ikalawa ay oxytocin na maaring ibigay sa pamamagitan ng IV fluid.

Pregnancy checklist para sa ika-41 linggong buntis

Mga Paalala para sa Linggo:

  • Magkaroon ng induction appointment kung napili mong gawin ito
  • Magkaroon ng sapat na pahinga bago manganak
  • Manood ng telebisyon
  • Maglakad-lakad ng matagal
Pagbubuntis sa Ika-41 Linggo
5 (100%) 1 vote

KATULAD NA MGA ARTIKULO