Pagbubuntis sa Unang Buwan

Tagal ng pagbabasa: 8 minuto

Pagbubuntis sa Unang Buwan: Ang Pag-uumpisa, Mga Pagbabago, Ikinababahala at Mga Kasagutan!

Matutuhan natin sa artikulong ito ang mga pagbabagong magaganap saiyo at sa baby mo sa unang buwan ng iyong pagbubuntis. Pag-uusapan din natin ang mga pagbabagong pisikal at mental ng isang buntis, mga ikinababahala, depresyon at iba pa.

Ang unang linggo ng pagbubuntis ay nagsisimula tatlong linggo pagkatapos ng iyong huling regla. Sa ika-lima at ika-anim na linggo, malamang mo na buntis at magsimulang makaranas ng mga sintomas ng pagbubuntis sa unang buwan.

Tandaan na normal lamang na makaramdam ka ng pagbabago-bago ng mood. Dahil yan sa mabilis na mga pagbabago na nararamdaman mo dahil sa iyong pagbubuntis.

Ang unang mga linggo ng pagbubuntis ay magdadala ng kakaibang pisikal at emotional na mga pagbabago sa iyo. May mga ikinababahala ang isang buntis tulad ng pagbubuntis na ectopic, mas mataas na posibilidad ng pagkalaglag ng sanggol, at mga bagay na nakasasama sa pagbubuntis.

Ang ovulation at fertilization

Buwan buwan, ang obaryo ng isang babae ay naglalabas ng egg cell. Ang prosesong ito ay tinatawag na ovulation. Ito ay nagaganap 14 araw matapos ang huling regla ng isang babae. Ang itlog ay gagalaw pababa sa fallopian tube na nakapagitna sa obaryo at matris. Ang itlog ay babagal pagmakarating na ito sa itaas na bahagi ng fallopian tube. Maghihintay ito na mafertilize ng semilya ng lalaki sa pamamagutan ng pakikipagtalik.

Sa panahon ng pakikipagtalik, ang ari ng lalaki ay magpapakawala ng makapal, maputing fluid na kung tawagin ay semen sa loob ng ari ng babae. Ang semen ay naglalaman ng milyun-milyong sperm cells. Ilang libong sperm cells ang makakapasok sa matris ng babae. Aakyat sila papuntang fallopian tubes. Papalibutan ng sperm cells ang itlog. Isa lang sa libu-libong sperm cells ang mananaig. Pagnakapasok na ang natatanging sperm cell sa itlog, magsasama sila. Magsasama ring ang kanilang mga chromosomes. Ito ang tinatawag na fertilization o paglilihi.

Ano ang nagaganap sa ika-3 linggo ng pagbubuntis?

Ang pagbubuntis ay nagsisimula sa fertilization. Makalipas ang 24 na oras matapos ang prosesong ito, ang embryo o ang bago palang na mapertilisang itlog, ay mahahati sa dalawang cells. Hindi magtatagal ito ay mahahati sa apat, sa walo at magpapatuloy ang prosesong ito. Habang nagaganap ang paghahati-hati ng mga selula, ang embryo ay patuloy na gumagalaw pababa ng matris.

Sa loob ng isa hanggang tatlong araw matapos ang fertilization, magpapatuloy ang paghahati-hati ng mga selula ng embryo. Habang nangyayari ito, mag-iiba ang hugis at laki ng embryo. Magiging hugis bola na ito.

Tatlong araw ang makalipas, ang bolang ito ay binubuo na ng 12 hanggang 16 selula na. Sa puntong ito, papasok na ang embryo sa matris.

Pagmangyari na ito, ang bola ng pertilisadong mga selula ay magpapalutang-lutang sa matris sa loob ng 24 oras. Sa panahong ito, magkakaroon ng mga espasyo sa pagitan ng ilan sa mga selula ng embryo. Sa madaling panahon, mahahati na sa dalawang parte ang bola. Ang panglabas na layer ang siyang magiging placenta o inunan, at ang inner mass naman ang siya mismong magiging sanggol.

Ano-ano ang mga pagbabagong nagaganap sa ika-4 linggo ng pagbubuntis?

Anim hanggang 10 araw matapos ang fertilization, ang embryo ay didikit sa lining o dingding ng matris, ito ay tinatawag na implantation. Sa susunod na mga linggo, ang embryo ay makakakuha ng sustansya at oxygen na kinakailangan nito sa mga selula na bumubuo sa dingding ng matris.

Ang dalawang bahagi ng mga selula ay mas mas nakikita na ngayon. Ang parte na kung tawagin ay yolk sac ay unti-unti nang lumilitaw. Ang yolk sac ay siyang magbibigay ng nutrients sa embryo habang ang placenta ay nabubuo pa lamang. Ang espesyal na mga ugat ay nagsisimula nang mabuo sa pagitan ng embryo at ng dingding nng matris kung saan magsisimula nang dumaloy ang dugo ng nanay papunta sa embryo.

Ang implantasyon ay matatapos na sa linggong ito. Ito ay isang panahon na kung saan masyadong maraming ginagawa ang embryo mo! Ang lahat ng pangunahing panlabas at panloob na mga estruktura ay nag-uumpisa nang mabuo at ang mga organ systems ay susunod na rin pagdaan ng ilang linggo!

Mga Pagbabago sa katawan ng nanay sa unang buwan ng pagbubuntis

Sa ikatlong linggo ng pagbubuntis, ang itlog ng babae ay na-fertilize ng sperm cell sa fallopian tube. Ang pertilisadong itlog ay kikilos galing sa fallopian tube papuntang matris para sa implantation. Sa proseso ng implantation, baka makaranas ka ng kaunting pagdurugo, na tinatawag na implantation bleeding.

Sa linggo ring ito pakakawalan ng katawan mo ang hormone na early pregnancy factor o EPF. Ang EPF ay siyang tumutulong sa katawan para makilala ang embryo at hindi ito iriject ng katawan.

Sa pagsisimula ng ika-apat na linggo ng pagbubuntis, makakaranas ka na nang iba’t ibang pisikal na mga sintomas ng pagbubuntis na maaaring magtagal hanggang sa matapos mo ang unang trimester. Sa panahon ding ito pakakawalan ng katawan ang hormone na human chorionic gonadotropin o hCG hanggang sa unang 12 linggo ng pagbubuntis. Ang hormone na ito ay siyang responsible sa pagkakaroon ng mga sintomas na tulad ng pagbabago-bago ng mood o mood swings.

Narito ang iba pang mga sintomas ng pagbubuntis sa unang buwan:

  • Pagkahapo
  • Madalas na pag-ihi
  • Pamamaga ng suso
  • Kakaiba, lasang kalawang sa bibig
  • Matinding pagkagusto sa isang uri ng pagkain

Bagaman ang pangunahing focus ng artikulong ito ay ang una hanggang ika-apat na lingo ng iyong pagbubuntis, matitiyak mo lamang na buntis ka pagsapit ng ika-lima o ika-anim na lingo. Sa panahong ito, hindi ka pa rin dinaratnan ng regla mo. Ang pagkahapo o fatigue at ang iba pang mga sintomas ay magpapatuloy. Ang pagkahilo na nararamdaman mo ay dahil sa mabilis na mga pagbabago sa antas ng hormones sa katawan mo.

Dapat Gawin:

Ang pagsusuka tuwing umaga ay mas malala kapag walang laman ang tiyan mo, kaya kumain ka palagi plain na biscuit o cracker. Kumain din ng mga pagkaing mayaman sa carbohydrates ng mas madalas sa buong maghapon. Bagaman ang pagduduwal ay kadalasang tinatawag na morning sickness, maaari itong umatake anumang oras sa buong araw, lalo na kung walang laman ang tiyan mo.

Ang pag-iihi ay mas titindi pa dahil maiipit ng lumalaking matris ang iyong pantog. Ang iyong suso ay mas mamamaga at bibigat. Ang iyong utong ay magiging mas maitim at ang mga ugat dito ay mas lilitaw. Baka maging mas madalas ang pananakit ng iyong ulo, dahil yan sa mas tumataas na level ng hormones sa katawan mo.

Huwag Gawin:

Huwag kang mangangamba kung hindi mo makita o maramdaman ang mga sintomas na ito ng pagbubuntis sa unang buwan! Halimbawa, may mga babae na talagang hindi nakakaranas ng pagduduwal sa kanilang unang trimester!

Mga ikinababahala ng mga nanay sa unang buwan ng pagbubuntis

Talakayin naman natin ang mga bagay o kalagayan na kadalasang ikinababahala ng isang nanay sa unang buwan ng kanyang pagbubuntis.

Pagbubuntis na ectopic. Isa sa pangunahing ikinababahala sa unang buwan ng pagbubuntis ay ang panganib na ikaw ay magkaroon ng ectopic pregnancy. Sa ikatlong linggo ng pagbubuntis, may mga kaso na ang pertilisadong itlog na naitatanim sa labas ng matris, kadalasan ay sa fallopian tube. Ang paglaki ng mga selula ay siyang sisira sa fallopian tube, na siyang dahilan ng matinding pagdurugo at pananakit sa tiyan ng buntis.

Kung ang ectopic na pagbubuntis ay maagang matutukoy, maaari itong malunasan sa pamamagitan lamang ng pag-inom ng gamot na iriniseta ng doktor. Kung ito ay magpatuloy na hindi nalulunasan, kakailanganin ang agarang operasyon para tapusin ang pagbubuntis. Sa bibihirang mga kalagayan, ang fallopian tube kung minsan ay kailangang alisin dahil sa matinding pinsalang natamo nito.

Pagkalaglag. Ang panganib na malaglag ang dinadala sa sinapupunan mo ay pinakamataas sa unag trimester ng pagbubuntis. Maraming mga bagay ang maaaring maging dahilan ng pagkalaglag. Ang pinaka madalas na dahilan nito ay ang mga problema sa chromosomes sa mismong embryo. Nangyayari ito kapag hindi talaga kaya ng iyong ipinagbubuntis na magsurvive. Ang ibang dahilan ng pagkalaglag ay ang mga problema sa hormones ng nanay at mga abnormalidad sa matris.

Teratogens: ano ito? Ang teratogen ay tumutukoy sa mga impeksyon o mga mapanirang mga kemikal tulad ng alcohol, droga, ilang partikular na uri ng gamot na maaaring maging dahilan ng mga depekto sa pagbubuntis at panganganak. Ang unang trimester ng pagbubuntis ay talagang kritikal para sa paglaki ng baby mo. Ang lahat ng pangunahing mga organ system at estruktura ay nabubuo sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis. Kaya naman, kailangan mong mag-iwas sa teratogens lalong lalo na sa unang tatlong buwan ng iyong pagdadalang tao.

Tandaan:

Ang pag-inom ng alak, paninigarilyo, pagdo-droga, pag-inom ng sobrang kape o softdrinks at pagkahantad sa mapanirang mga kemikal ay maaaring maging sanhi ng pagkalaglag ng iyong dinadala. Kung hindi man, ang mga ito ay maaaring maging sanhi ng pang matagalang mga abnormalidad!

Depresyon sa unang buwan ng pagbubuntis

Kadalasan, ang unang mga buwan ng pagbubuntis ay panahon ng pagsasaya para sa isang ina na talagang gusto nang magkaanak. Magiging excited ka kapag nalaman mong sa wakas, buntis ka na! Gayunman, baka magkaroon ka rin ng halu-halong mga emosyon tungkol sa iyong pagdadalang tao.

Ang hindi magandang mga sintomas ng pagbubuntis tulad ng pagkahilo at pagsusuka ay maaaring maging dahilan para pagsisihan mo ang iyong pagbubuntis. Baka matakot ka pa nga dahil sa pangit na mga karanasan mo sa iyong huling pagbubuntis. Baka ikabahala mo ang pag-inom mo ng alak bago mo pa man malaman na buntis ka pala. Iniisip mo rin na kailangan mong tigilan ang pagkain ng ilan sa mga paborito mong pagkain. Baka mangamba ka kung kaya mo ba talagang alagaan o itaguyod ang sanggol.

Ang iyong pagpapahalaga sa sarili ay maaari ring maapektuhan. Ang iyong mga damit ay mas sisikip, baka maramdaman mong hindi ka na gaanong nakakaakit. Kung ang personal na itsura mo ay mahalaga sa trabaho mo, baka maramdaman mong hindi ka na makasabay sa mga kasamahan mo, at hindi mo na naaabot ang mga inaasahan sa iyo ng mga amo mo.

Normal lamang na magkaroon ka ng mga pagbabago sa mood mo bilang tugon sa mga pagbabago na nararanasan mo bilang resulta ng iyong pagbubuntis. Ang mood swings mo ay maaaring maging dahilan ng iyong pagkagalit, panghihina o depresyon.

Dapat gawin:

Mahalagang tandaan na ang ganitong mga pakiramdam ay normal lamang habang ikaw ay buntis. Kung madalas kayong magtalo ng asawa mo dahil sa mood swings mo, subukang ipakipag-usap ito sa kanya para hindi na lumala pa ang simpleng mga problema.

May ilang mga kababaihan na nakakaranas ng napakatinding depresyon anupa’t ito ay nagpapatuloy at nakagagambala na sa pang-araw araw na mga gawain. Ito ay tinatawag na major depression at ito ay nakakaapekto sa 4% hanggang 12% ng mga buntis na babae. Totoo, mas marami ang nakakaranas ng post-partum depression kumpara sa mga nakakaranas nito habang buntis. Pero tandaan na kung nagkaroon ka depresyon habang buntis ka, mas malamang na magkaroon ka ng postpartum depression pagkapanganak mo.

Ipakipag-usap sa doktor mo kung nararamdaman mo ang mga sintomas na ito:

  • Pakiramdam na wala ka sa kontrol
  • Hindi inaasahan at hindi makontrol na pag-iyak
  • Kalungkutan, matinding galit at pagiging disperado
  • Kahirapan sa pagtulog
  • Pagkawala ng gana sa pakikipagtalik

Gayunman, sa pangkalahatan, ang mga babae ay nakakaranas ng excitement at kaligayan sa unang buwan ng pagbubuntis. Mararamdan mo na ikaw ay mas espesyal dahil sa regalong dinadala mo sa iyong sinapupunan.

 

Pagbubuntis sa Unang Buwan
5 (100%) 1 vote

KATULAD NA MGA ARTIKULO