Pagbubuntis sa Ika-3 Buwan

Tagal ng pagbabasa: 7 minuto

Mga Pagbabagong Nagaganap sa Ika-3 Buwan ng Pagbubuntis

Ngayong tatlong buwan ka nang buntis, patapos na ang unang trimester ng pagbubuntis. Magandang balita ito dahil matatapos na ang pinaka-kritikal na yugto ng iyong pagbubuntis.

Ang artikulong ito ay tungkol sa mga pagbabagong nagaganap sa ikatlong buwan ng pagbubuntis, kapwa sa sanggol sa sinapupunan at sa nanay na nagdadalang tao.

Pangkaraniwang mga sintomas sa ikatlong buwan ng pagbubuntis

Sa ikatlong buwan ng pagbubuntis, ang iba sa mga sintomas na dala ng pagdadalang tao ay hindi na gaanong masama sa pakiramdam, pero meron pa rin namang kailangang pagtiisan. Pero tandaan, ang mga sintomas na babanggitin natin ay normal lamang at baka nga hindi mo naman ito ma-experience ng sabay-sabay.

Narito ang ilan sa pangkaraniwang mga sintomas na dala ng pagbubuntis sa buwang ito:

  • Biglaang pagbigat ng timbang
  • Pagdadag ng lakas o stamina
  • Pagdami ng discharge na galing sa pwerta
  • Paglitaw ng varicose veins
  • Pagkahilo
  • Madalas na pag-ihi
  • Pagkamakakalimutin
  • Pagbabago sa kulay ng balat

Pagbubuntis sa ikatlong buwan: Mga pagbabago sa loob at labas

Pag-usapan natin ang mga pagbabagong nagaganap kapwa sa nanay at sa baby sa ikatlong buwan ng pagbubuntis.

Sa ikatlong buwan ng pagbubuntis, ang ari ng iyong ay magsisimula nang mabuo. Natututo na rin siyang lumunok at sumipa. Ang kanyang senses ay unti-unti na ring nadedevelop. Nakakarinig na rin at nakakakita na rin siya ng liwanag. Tutubuan na siya ng maninipis na buhok sa balat, na kung tawagin ay lanugo. Ang karamihan sa mga buhok na ito ay mawawala sa panahon ng pagsilang.

Para sa Nanay. Baka iniisip mo na lalaki na ang tiyan mo sa ikatlong buwan ng iyong pagbubuntis, pero iba-iba naman ang paglaki ng tiyan dipende sa nanay. Ang iyong suso ay malamang na mamaga na rin.

Isa sa pangunahing mga sintomas ng pagbubuntis sa ikatlong buwan ay ang pagkawala ng iyong pagduduwal tuwing umaga o morning sickness. Ito ay mapapalitan ng matinding gutom. Huwag kalimutang kumain ng tama, na binibigyang pansin ang kalidad nito at hindi ang dami.

May mga nanay na nagkakaroon ng maiitim na patse sa mukha. May ilang buntis na nagiging mas maganda, kung isa ka sa kanila – maswerte ka!

Mga pagbabagong nagaganap sa ika-9 linggo ng pagbubuntis

Ang yugtong ito ay kritikal sa pagtubo ng mga binti at braso. Hahaba ang mga binti at lalabas na ang bahagi na magiging mga paa at daliri. Samantala, ang mga braso ay hahaba rin at titiklop para maging siko. Makikita na rin ang bahagi na magiging mga kamay bandang huli.  Ang atay, pantog at lapay ni baby ay nagmamadali na rin sa pagtubo!

Alam mo ba na ang ika-siyam na linggo ay ang pagsisimula ng pagsayaw ni baby? Opo! Ang iyong sanggol ay magsisimula nang sumipa at kumilos bilang tugon sa mga nararamdaman niya. Maging mapasyensya, baka kailangan mong maghintay hanggang sa ikalawang trimester para malinaw na maramdaman ang pagkilos ni baby.

Para sa Nanay. Ang iyong suso ay malamang na mas lumaki, bumigat at mas masakit kung nasasagi. Bagaman patuloy ang mga ito sa paglaki sa panahon ng iyong pagbubuntis, ang pagiging sensitibo nito ay matatapos din sa ika-apat na buwan. Mapansin mo na rin ang maliliit na mga puting butlig sa itim na parte ng iyong utong. Ito ay ang mga glandulang Montgomery’s tubercles na siyang magpapalabas ng oil na siyang magpapanatili sa moisture ng utong habang ikaw ay nagpapasuso.

Maraming mga dalubhasa ang nagsasabi na ang paglangoy ay siyang pinaka-mainam na ehersisyo para sa mga buntis dahil banayad ito sa mga kasukasuan. Ang hormone na relaxin ay nasa katawan mo na sa ngayon ay siyang magpapadali ng pagbuka ng iyong pelvis sa panahon ng panganganak. Bagaman makakatulong ang pag-eehersisyo sa panganganak, tandaang hindi mo dapat na masobrahan ang iyong mga kasukasuan.

Ang development ni Baby sa ika-10 linggo ng pagbubuntis

Sa panahong ito, ang panlabas na mga tainga ni baby ay nasa ibaba ng ulo, subalit kikilos naman ang mga ito papunta sa tamang pwesto habang lumalaki ang ulo niya.

Nagsisimula na ring ma-develop ang mga mata ni baby. Ang kanyang eyeballs ay tinatakpan na ng talukap, ngunit ang mga ito ay nakapwesto pa sa magkabilaang gilid ng ulo.

Bagaman ang kauna-unahang ngipin ni baby ay lalabas lamang ilang buwan matapos siyang maipanganak, ang maliliit na tooth buds ay nagsisimula nang mabuo sa yugtong ito ng pagbubuntis.

Para sa Nanay. Karamihan sa mga doktor ay magsasabing bawasan mo na o tuluyang itigil mo na muna ang pag inom ng kape dahil sa nakasasama ang taglay nitong caffeine sa yugtong ito ng iyong pagbubuntis. Ang caffeine ay maaaring magdulot ng dehydration sapagkat ito ay isang diuretic. Kung talagang hindi mo maiwasan ang pag-inom ng kape, siguruhing uminom ka ng mas maraming tubig para mapalitan ang tubig na maaaring mawala saiyo.

Sa linggong ito ng iyong pagbubuntis, ang puso mo ay magsisimulang magbomba ng mas maraming dugo. Sa katunayan, sa ika-32 linggo, magkakaroon ng karagdagang 40 hanggang 50 porsyentong dugo sa katawan mo, karamihan nito ay ginagamit sa matris at placenta.

Kailangang kumilos ka na ngayon para ma-improve ang iyong sirkulayon para makaiwas sa pagkakaroon ng varicose veins sa huling yugto ng iyong pagbubuntis. Ang paglalakad-lakad, paghiga ng nakatagilid sa kaliwa, pagtaas ng paa at pag-upo ng hindi naka de-kwatro ay makakatulong na hindi maging mabagal ang sirkulasyon ng iyong dugo.

Mga pagbabago sa ika-11 linggo ng pagbubuntis

Ang ulo ni baby ay kasing haba nan g kanyang katawan, na nagpapakita kung gaano kabilis lumaki ni baby!

Bagaman, walang tigil na sa pagtibok sa nagdaang mga linggo ang puso ni baby, ngayong linggo mo lamang ito maririnig ng malakas. Ang puso ng isang fetus ay tumitibok ng dalawang ulit na bilis kumpara sa puso natin, 120 hanggang 160 tibok bawat minuto.

Tumutubo na rin ang manipis na layer ng balat sa buong katawan ni baby. Magkakaroon na rin siya ng panibagong layer ng balat sa mga kuko niya sa mga kamay at paa.

Para sa Nanay. May mga dalubahasa na nagsasabi na ang cravings na nararamdaman mo ay isang paraan ng katawan na sabihin saiyo kung ano ang kailangan mo. Ang iba ay hindi sangayon dito. Bagaman wala naman talagang nakakaalam kung bakit nagkakaroon ng cravings ang isang babae sa panahon ng pagbubuntis, walang duda na ang isang babae ay talagang may partikular na mga pagkaing hinahanap-hanap sa panahon ng kanyang pagbubuntis.

Habang ikaw ay buntis, kailangan ng katawan mo ang 80 hanggang 100 miligramo ng vitamin C, araw-araw. Ang vitamin C ay kailangan ng katawan para makagawa ng bagong mga cells at malulusog na mga buto at ngipin. Ang pagdagdag ng mga prutas sa diyeta mo tulad ng orange, papaya, kalamansi, broccoli at iba pa ay mabilis na makapagpapataas ng vitamin C.

Sa iyong pagbubuntis, kailangang masuri ka sa pagkakaroon ng protina na kung tawagin ay RH factor. Kahit na ikaw ay mag-negative, pero ang asawa mo naman ay mag-positive, ang iyong anak ay maaaring RH-positive.

Ang kundisyong ito ay maaaring magdala ng seryosong mga problema sa kalusugan ng iyong sanggol, dahil sa ang katawan mo ay maaaring magpalabas ng antibodies para sa kanyang RH-positive na dugo. Pero huwag kang mag-alala! Nagagamot naman ito ng injection na kung tawagin ay Rogham, na ibibigay sa pagitan ng ika-28 at ika-29 linggo ng pagbubuntis. Pwede ka ring bigyan ng injection nito pagkatapos mong manganak para maprotektahan ang iyong susunod na mga pagbubuntis.

Mga pagbabago sa baby at sa nanay sa ika-12 linggo ng pagbubuntis

Alam mo ba na sa linggong ito, ang mga daliri ng baby ay nagsisimula nang tubuan ng mga kuko? Oo! May ilang baby nga na sadayang mahahaba na ang mga kuko kapag ipinanganak, ito ay kailangang putulan agad pagkapanganak.

Sa panahon ding ito masasabi natin na lahat ng mga bahagi ng katawan ni baby ay buo na, kahit na ang sex organ niya ay nadevelop na rin. Pero tandaan na hindi mo pa malalaman kung lalake ba siya o babae sa yugtong ito, so maghintay ka pa ng ilang linggo.

Sa ika-12 linggo ng pagbubuntis, ang talukap ng mata ni baby ay buo na at nakasara. Mananatili itong nakasara hanggang sa pagtatapos ng ikalawang trimester.

Para sa Nanay. Sa ika-12 linggo ng pagbubuntis, manunumbalik na ang gana mo sa pagkain. May mga buntis pa nga na nagsasabing nagugutom ang baby sa tiyan nila. Kaya siguraduhin mong kumakain ka nang sapat, pero huwag mo namang isiping kailangan mong kumain para sa dalawang tao!

Dahil sa pagdami ng iyong dugo para masustentuhan ang paglaki ni baby, baka mapansin mo na mas sensitibo ang iyong gilagid at mas madali itong dumugo kapag nagsisipilyo. Bagaman nakakataranta ang pagdurugo ng gilagid, dapat mong malaman na normal lamang ito sa isang nagdadalang tao.

Dapat gawin. Habang nawawala na ang iyong pagduduwal, siguraduhing balance diet ang iyong kinakakain mo. Dapat na may karne at isda, gulay, prutas at gatas ang araw-araw na pagkain mo para makatulong sa tuloy-tuloy na paglaki ng iyong anak. Sa muli, tandaan na hindi mo kailangang kumain para sa dalawang tao kung buntis ka.

Pagkain at ehersisyo para sa ika-3 buwan ng pagbubuntis

Marami sa mga buntis ang nakakapansin na pagsapit ng ikatlong buwan, paunti-unti nang nawawala ang pagduduwal tuwing umaga. Bukod diyan, nakakaramdam sila ng pagbugso ng lakas. Samantalahin mo ang karagdagang lakas na ito para maisagawa ang isang rutina ng pag-eehersisyo para sa mga buntis.

Tandaan: Kung baguhan ka sa pag-eehersisyo, kailangan mo munang magsangguni sa doktor mo bago gumawa o magbuhat ng anuman. Pwede kang mag-yoga, magswimming o maglakad-lakad.

Mahalaga din na mag focus sa masusustansyang pagkain, kasama na ang regular ngunit paunti-unting serving ng protina, prutas at whole grains. Huwag ding kalimutan na regular na uminom ng maraming tubig. Limitahan ang pag-inom ng kape at iba pang mga inumin at pagkaing may caffeine.

Maaaring magbigay ang doktor mo ng advice kung tungkol sa diyeta na dapat mong sundin. Tandaan na kailangan mong umiwas sa pagkain ng malalaking isda na malamang na nagtataglay ng mercury. Umiwas ka rin sa alak, hindi pasteurized na keso at gatas, prinosesong karne at hilaw na itlog. Hugasang mabuti ang prutas at gulay bago ito kakainin.

Pregnancy checklist sa ikatlong buwan ng pagbubuntis

  • Ipamalita ang pagbubuntis: Sa ikatlong buwan ng iyong pagbubuntis, baka pwede mo nang ipamalita na ikaw ay buntis, sa panahong ito ay tiyak na ang iyong pagdadalang tao. Pagplanuhan na kung sinu-sino ang iyong pagsasabihan at kung paano.
  • Pagplanuhan ang iyong maternity leave: Pag-isipan kung kalian at paano ka magpapaalam na magle-leave ka sa nalalapit mong panganganak. Magresearch at pag-isipan ang iyong mga pagpipilian. Paghandaan ang pagpapaalam sa employer mo.
  • Magehersisyo: Dahil sa karagdagang lakas, ang ikalawang trimester ng iyong pagbubuntis ay magandang panahon para makapagsimula ka ng iyong rutin ng pag-eehersisyo, bago pa man lumaki ang iyong tiyan. Sumangguni sa doktor bago ka gumawa ng anuman.
  • Maki-bonding sa baby mo: Dahil sa nakakarinig na ang iyong baby ng mga tunog tulad ng iyong boses at tibok ng iyong puso, magandang pagkakataon ito na makipag-usap at kumanta para sa baby mo. Pwede kang magpatugtog ng musika na paborito mo.
  • Makipag-usap sa asawa: Ang pagbubuntis ay isang karanasan at pananagutang dapat na pagsaluhan ng mag-asawa. Sabihin sa asawa mo ang mga nararamdaman mo. Sabihin din sa kaniya kung paano siya makakatulong saiyo. Mararamdaman ng tatay na may papel din siya sa prosesong ito at mababawasan din nito ang gawain na nakaatang sa nanay.

 

Pagbubuntis sa Ika-3 Buwan
Rate this post

KATULAD NA MGA ARTIKULO