Pagbubuntis sa Ika-2 Buwan

Tagal ng pagbabasa: 11 minuto

Mga Bagay na Dapat Mong Malaman sa Pagbubuntis sa ika-2 buwan

Ang mukha ng iyong sanggol ay patuloy na nabubuo. Ang kaniyang mga tenga ay nagmumula sa maliit na tupi sa dalawang kabila ng ulo. Ang maliliit na nakausling laman ay unti-unting hahaba at lalaki upang siyang maging kaniyang mga braso at binti. Ang kaniyang mga daliri sa kamay at paa, at maging mata ay nabubuo rin pagsapit ng Pagbubuntis sa ika-2 buwan.  

Ang neural tube (utak, spinal cord, at iba pang neural tissue ng central nervous system) ay maayos ng nabuo. Unti-unti na ring nabubuo ang kaniyang digestive tract at sensory organs. Pinapalitan na ng buto ang mga kartilago. At nagsisimula na ring gumalaw ang embrayo bagama’t hindi pa ito nararamdaman ng nanay.

Pagkatapos ng ika-2 buwan, ang iyong anak ay magiging isa ng fetus na may habang 2.54 centimetro (1 pulgada), at 9.45 gramo (1/3 ounce). Ang isang-katlo niya ay binubuo ng kaniyang ulo.

Ang mga buntis sa kanilang ika-2 buwan ay maaring makaramdam ng halo-halong emosyon gaya ng pagkalumbay, kasiyahan, pananabik, pangamba, at marami pang iba. Ganiyan talaga kapag buntis!

 

Ano-ano ang karaniwang sintomas ng Pagbubuntis sa ika-2 buwan?

Ngayon na ikaw ay nasa ika-2 buwan ng iyong pagbubuntis, kabilang ang mga sumusunod sa mga karaniwang sintomas na mararamdaman mo:

  • Pagbabago sa ugali at emosyon
  • Morning sickness
  • Paglilihi sa pagkain at ibang bagay
  • Pagmamanas ng kamay at paa
  • Heartburn at masakit na tiyan
  • Hirap sa paglabas ng dumi o constipation
  • Madalas na pag-utot
  • Matinding pagod
  • Pagkahilo

Bagama’t hindi lahat ng sintomas na ito ay maganda, lahat ito ay bahagi ng pagbubuntis. Huwag din mag-alala dahil posibleng hindi lahat ng ito ay maramdaman mo.

Mga pagbabago sa ugali at emosyon: Ang pabago-bagong ugali ng mga buntis ay dahil sa mataas na level ng hormones sa kanilang katawan gaya ng human chorionic gonadotropin (hCG), progesterone, at estrogen. Ang mga hormones na siya ring dahilan ng iba pang sintomas ng pagbubuntis tulad ng heartburn, pagkahilo, pagbabago sa kulay ng balat (gaya ng mas pinaitim na utong), spider veins, masakit na katawan at tiyan.

Ang iyong emosyon ay naaapektuhan din kung ano ang iyong nararamdaman sa katawan. Halimbawa, kung ikaw ay nahihilo at may heartburn, natural lamang na ikaw ay maging matamlay.

Morning sickness: Habang ikaw ay nasa unang trimester, makakaranas ka ng sintomas na tinatawag na morning sickness. Ito ay madalas nagaganap tuwing umaga ngunit, ang pagsusuka at pagkahilo ay maari din mangyari sa gabi. Ang magandang balita ay unti-unti ng nawawala ang mga sintomas ng morning sickness pagsapit ng ikalawang trimester.  

Upang mabawasan ang morning sickness, sumunod sa diyetang ibinigay sa iyo ng iyong doktor. Lumayo rin sa mamantika at maaanghang na pagkain. Inirerekomenda rin na kumain ng mas madalas ngunit, maliliit na bahagi upang maiwasang walang laman ang tiyan. Pagkagising, subukang kumain ng biskwit upang mabalanse ang sugar level ng iyong dugo. Magkaroon din ng sapat na oras ng pahinga, palaging uminom ng tubig, at subukang kumain ng lemon.

Paglilihi sa pagkain: Ang isa pa sa mga sintomas ng pagbubuntis sa ika-2 buwan ay ang paglilihi sa pagkain o di kaya’y kabaliktaran nito. May ilang buntis ang nagugulat dahil bigla na lamang nilang hindi nagugustuhan ang dati nilang paboritong pagkain. Hindi malinaw ang sanhi kung bakit naglilihi ang mga buntis. Humingi ng tulong sa iyong doktor kung ikaw ay naglilihi sa mga hindi pangkaing bagay tulad ng yeso o dumi.  

 

 

Ano-ano ang mga pagbabagong nagaganap sa ika-5 linggo ng Pagbubuntis?

Binabati kita! Marahil pagsapit ng ika-5 linggo ng pagbubuntis ay napansin mo na hindi ka na nagkakaroon ng buwanang dalaw. Maaring sa panahon ding ito ay nagsagawa ka na ng pregnancy test at nalaman ang malaking balita na ikaw ay buntis! Ang positibong resulta ng urine-test ay dahil sa mataas na level ng “pregnancy hormone” na human chorionic gonadotropin (hCG). Ang mahiwagang hormone na ito ang siya ring dahilan kung bakit wala kang dalaw sa loob ng siyam na buwan.

Maaring sa linggong ito mo pa lamang nalaman na ikaw ay buntis ngunit, alam mo ba na ilang linggo ng naghahanda ang iyong bahay-bata? Sa loob nito ay unti-unti ng sumisibol ang katawan ng fetus. Ang “primitive streak” ay nabubuo sa labas ng embryonic cell cluister: ang pares ng ridges na ito ay magsasama upang mabuo ang spinal cord at utak ng iyong anak. Malaki ang ginagampanan ng Folic acid sa unang yugto ng development kaya mahalagang maaga pa lamang ay uminom na ng gamot na ito.

Pagkalipas ng 16 araw pagkatapos ng ovulation, ang cells ng embrayo ay nilalatag ang kanilang sarili sa tatlong natatanging layers: ang ectoderm, mesoderm, at endoterm. Ang lahat ng malilit na bahagi ng katawan ng sanggol ay magmumula sa tatlong layer na ito.

Ang Endoderm ang siyang magbibigay buhay sa baga, dila, tonsils, urethra at associated glands, pantog, at digestive tract ng sanggol.

Ang Mesoderm ang bubuo sa kaniyang muscles, mga buto, lymphatic tissue, spleen, mga dugo, puso, at reproductive at excretory systems.

Ang Ectoderm ang magbibigay anyo sa kaniyang balat, kuko, buhok, lens ng mata, lining ng loob at labas na tenga, ilong, sinuses, bibig, puwet, tooth enamel, pituitary gland, mammary glands, at lahat ng bahagi ng kaniyang nervous system.

Para sa Nanay: Ngayong alam mo ng mayroon kang dinadalang bata sa iyong sinapupunan, makakaranas ka ng mga unang sintomas ng pagbubuntis gaya ng:

  • Pagkaduwal (tinatawag din na morning sickness bagama’t maari din itong mangyari anomang oras)
  • Pamamaga ng dibdib at pangingitim ng utong
  • Madalas na pag-ihi
  • Matinding pagod kaysa karaniwan

Tip para sa Linggo: Magandang magpatingin agad sa ob-gyn pagkatapos mong malaman na ikaw ay buntis. Ang pagsunod sa tamang prenatal care ay mahalaga upang maging ligtas ang iyong pagbubuntis at maging malusog ang iyong anak.

Paglaki ng sanggol sa ika-6 na linggo

Bagama’t mahirap paniwalaan, alam mo ba na tumitibok na ang puso ng iyong anak kahit mas maliit pa siya sa isang pirasong gisantes? Pagsapit ng kalagitnaan ng linggong ito, nabuo na ang muscles ng kaniyang puso at unti-unti na itong tumitibok. Ang maliit na bersiyon ng puso ang unang gumaganang organ ng sanggol.

Sa ngayon, ang embrayo ay mas kamukha pa ng nakabaluktot na butete kesa sa maliit na sanggol. Ang ulo ang bumubuo sa kalahati ng haba ng embrayo (upang maging maayos ang pagbuo ng utak). Sa gitna, may maliit na umbok na humahawak sa puso, may maliit na ring mga braso na unti-unting lumalabas. Sa baba nito ay ang attachment point ng pusod. Ang pusod ang kumokonekta sa fetus at sa lumalaking inunan, ito rin ang nagbibigay ng dugo at bitaminang kailangan ng sanggol para sa kaniyang paglaki.

Ang kaniyang katawan ay nagtatapos sa mahabang buntot. Ngunit huwag mag-alala, ito ay palatandaan lamang ng ebolusyon ng tao at mawawala din pagkatapos ng ilang linggo – unti-unting papasok sa loob ng spinal cord.

Sa loob ng kaniyang katawan, ang central nervous system, circulatory system, at iba pang organs gaya ng atay at lapay ay dahan-dahang nabubuo. Kasama rin sa likod ng embrayo ang maliliit na bony blocks na tinatawag na “somites”. Ang mga ito ang siyang magiging spine, ribs, at iba pa.

Para sa Nanay: Maaring bumigat ka ng ilang kilo pagdating ng linggong ito o di kaya’y bumaba ang iyong timbang dahil sa pagkaduwal na iyong nararanasan – parehong normal ito. Mapapansin mo rin ang ibang pagbabago sa iyong katawan: mas sisikip ang damit sa bahagi ng iyong baywang, mas lalaki ang iyong mga binti at dibdib. Sa pamamagitan ng pelvic exam, malalaman ng iyong doktor ang mga pagbabago sa laki ng iyong uterus.

Tip para sa Linggo: Sumunod sa tamang prenatal habits araw-araw gaya ng pagkain ng masusustansyang pagkain at pag-inom ng mga bitamina. Kung hindi mo pa nagagawa, itigil na ang paninigarilyo at pag-inom ng alak.

Pagbubuntis sa Ika-6 Linggo

 

Mga dapat malaman sa ika-7 linggo ng Pagbubuntis

Pagsapit ng katapusan ng linggong ito, ang iyong anak ay may habang isang-katlo ng isang pulgada mula sa korona hanggang puwit. (Ginagamit ng mga doktor ang “sitting height” upang masubaybayan ang paglaki ng sanggol sapagkat mahirap pang masukat ang kaniyang mga binti). Siya’y nakabaluktot at kasinglaki ng isang gisantes. Ngunit, siya ay isang espesyal na uri ng gisantas: unti-unti ng nabubuo ang kaniyang mukha – ang malilit na guwang ang siyang nagiging mata, tenga, bibig at dila.

Sa palibot ng maliit niyang katawan, ang unang layer ng ay nabubuo. Ito ay maselan at manipis. Ang dulo ng kaniyang mga braso ay pumapatag at nagiging mukhang maliliit na sagwang tinatawag na “hand plates.” Pagkatapos ng susunod na linggo, mabubuo na ang kaniyang mga daliri. Ngunit, ang mga ito ay dikit-dikit pa gaya ng paa ng bibe.

Kamangha-manghang mga pagbabago rin ang nangyayari sa loob ng kaniyang utak. Ang mga cells nito ay humihiwalay upang bumuo ng tatlong seksyon. Ang unang seksyon ang siyang magiging forebrain na magiging responsible sa kaniyang magiging pag-uugali. Sa bahaging din ito siya magpro-proceso ng iba’t ibang impormasyon na kaniyang makukuha gaya ng tunog, amoy, at pang-lasa. Ang ikalawa ay ang midbrain na siyang tatanggap at magpapadala ng mga mensahe papunta sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang panghuli ay ang hindbrain na siyang responsable sa pagkontrol ng puso, pag-hinga, at paggalaw. Lahat ng tatlong ito ay nagkakaisa upang mabuo ang kahanga-hangang command center ng utak ng tao.

Para sa Nanay: Hindi pa masyadong halata na ikaw ay buntis ngunit, siguradong nakakaramdam ka na ng mga pagbabago sa iyong katawan. Maaring nakakaranas ka na ng morning sickness o di kaya’y napapansin mo na lumalaki ang iyong dibdib.

Tip para sa Linggo: Huwag na huwag pababayaang walang laman ang iyong tiyan sapagkat nagdudulot ito ng pagkahilo at pagkaduwal. Siguraduhing palaging nagme-meryenda at kumain ng mas maraming maliliit na bahagi kaysa sa tatlong mabigat na kainan. Upang maiwasan ang pagbaba ng blood sugar, kumain ng dagdag na protina gaya ng paglalagay ng keso sa tinapay.

Pagbubuntis sa Ika-7 Linggo

 

Mahahalagang pangyayari sa ika-8 linggo ng Pagbubuntis

Lumalaki ang iyong anak – sa ngayon ay isa na siyang maliit na bugkos na kasinglaki ng lima bean. SIya ay kumportableng palutang-lutang sa loob ng lumalaking amniotic sac. Dito, malaya siyang nakakagalaw habang nakakabit pa rin sa pusod. Ang iyong inunan ay abala sa pagproseso ng mga bitamina mula sa iyong dugo papasok sa embrayo. Kabilang din sa trabaho niya ang pag-alis ng mga nabuong dumi.

Sa puntong ito, ang buong katawan ng embrayo ay nagsisimula ng umunat. Ngunit, malaki pa ring bahagi ng kaniyang katawan ang binubuo ng kaniyang ulo. Totoo ito kahit sa araw na siya’y ipanganak: ang ulo ng bagong panganak na bata ay bumubuo sa kapat (quarter) ng kaniyang katawan samantalang para sa matatanda, ikawalo (eighth) lamang ng katawan ang bahagi ng ulo.  

Ang esophagus na siyang nagdadala ng pagpakin mula sa bibig papuntang tiyan ay mabubuo ngayong linggo, Sa gilid nito ay may mabubuong dalawang laman na magiging simula ng baga. Isipin mo, aabutin pa ng walong buwan bago mangyari ang unang paghinga ng hangin ng kaniyang mga baga.

Para sa Nanay: Tumataas ang dami ng iyong dugo. Tumaas ng 50% ang dami ng dugo na binobomba ng iyong puso kada minuto para sa iyong anak. Ang karaniwang sintomas para sa linggong ito ay ang pagiging sumpungin at pagkahilo dahil sa natatanging mga amoy.

Tips para sa Linggo: Magsuot ng supportive bra. Ang maayos na pagsuporta sa iyong dibdib ay makakatulong upang ikaw ay maging komportable, at maiwasan ang pag-lawlaw nito sa hinaharap. Ang page-ehersisyo rin ay makakatulong upang maging malakas ang mga muscles sa bahagi ng iyong dibdib.

Pagbubuntis sa ika-8 Linggo

Mga Pagbabago sa katawan ng nanay sa ika-2 buwan ng Pagbubuntis

Sa bahaging ito ng pagbubuntis, hindi pa masyadong malaki at halata ang mga pagbabago sa iyong katawan ngunit, magsisimula ng lumaki at bumigat ang iyong mga dibdib. May ilang buntis ang unti-unting nagkakaroon ng pula o kaya’y kulay ube na varicose veins na sanhi ng mas mataas na level ng dugo at hormones. Malaki ang matutulong ng page-ehersisyo upang maiwasan ang pagkakaroon ng varicose veins. Para sa maraming buntis, dahan-dahan din itong nawawala pagkatapos ng ilang buwan pagkalabas ng bata.  

Mga Mahalagang Paalala sa Ika-2 buwan ng Pagbubuntis

Narito ang mga mahahalagang bagay na dapat mong alalahanin ngayong nasa ika-2 buwan ka ng iyong pagbubuntis:

Gawin:

  • Gumawa ng listahan ng mga bagay na dapat mong gawin upang hindi ito makalimutan
  • Huwag kalimutang magpahinga at matulog sapagkat mahalaga ito pareho sa iyo at sa iyong sanggol.
  • Palaging uminom ng maraming tubig.
  • Uminom ng folic at iba pang bitaminang inirekomenda ng iyong gynecologist. Ito ay lubos na mahalaga para sa maayos na paglaki ng iyong anak.
  • Kumain lamang ng masusustansyang pagkain at sundin ang diyeta na ibinigay sa iyo ng iyong doktor o nutritionist sapagkat makakatulong ito sa iyo at sa iyong  anak, at upang maging madali ang pagbawas ng iyong timbang pagkatapos mong manganak.
  • Hugasan ng maigi at balatan ang prutas at gulay upang maiwasang makakain ng pesticides.
  • Kumain ng maliliit na bahagi ng pagkain sa buong araw upang maging madali ang pagtunaw nito.
  • Unti-unting bibigat ang iyong dibdib kaya, simulang magsuot ng mga supportive na bra upang maiwasan itong lumaylay.
  • Maglakad-lakad ng 20 minutos at higit pa araw-araw, at panatilihing may ginagawa ang iyong sarili.

Huwag Gawin:

Ngayong alam mo na ang mga bagay na dapat mong gawin, oras na upang malaman mo rin ang mga bagay na dapat mong iwasan. Kabilang sa mga ito ay:

  • Huwag maninigarilyo at uminom ng alak
  • Huwag pababayaang walang laman ang tiyan sapagkat dadami ang hangin nito, dahilan upang ikaw ay mahilo.
  • Iwasang kumain ng mamantika at tsitsirya.
  • Huwag uminom ng anomang pain killers o antibiotics na hindi nalalaman ng iyong doktor.

Ano ang aasahan sa unang pagbisita sa doktor?

Ngayong buwan ang una mong pagbisita sa iyong doktor. Mula ngayon hanggang sa dulo ng ikalawang trimester ay dapat bumibisita ka sa doktor o midwife isang beses kada buwan. Ngayon buwan, tatanungin ka ng iyong doktor tungkol sa kasaysayan ng iyong pamilya – katulad ng mga naging sakit ng iyong nanay, tatay, kapatid, lolo, at lola upang malaman kung anong karamdaman ang maaring manahin ng iyong anak. Mahalaga rin ito upang malaman ng iyong doktor ang mga posibleng maging komplikasyon ng iyong panganganak at malaman ang kaukulang paraan upang maiwasan ito.  Maari din siyang magsagawa ng mga sumusunod:

  • Magkaroon ng pagsusuri sa iyong ihi at dugo upang malaman ang mga kondisyon na maaring makaapekto sa iyong pagbubuntis.
  • Magsagawa ng pelvic examination upang masigurado na ikaw ay buntis, siyasatin kung mayroong bukol, at suriin ang iyong vagina, cervix, at mga buto sa bahagi ng balakang.
  • Magsagawa ng Pap smear kasabay ng iyong pelvic examination upang malaman kung may abnormal na nangyayari sa iyong cervix, at i-tsek kung may sintomas ng impeksiyon.
  • Sukatin ang iyong tangkad at timbang: Inirerekomenda na bumigat ng 0.5 kilo hanggang 1 kilo sa unang trimester ngunit, may ibang kababaihan ang bumababa ang timbang sa unang trimester dahil sa morning sickness.
  • Pisilin at pulsohan ang iyong tiyan upang maramdaman ang taas ng iyong bahay-bata, tinatawag itong fundus.
  • I-tsek ang iyong blood pressure

Sasagutin din ng iyong doktor ang iyong mga katanungan tungkol sa pagbubuntis. Isulat ito bago pa pumunta sa ospital upang wala kang makalimutang mahalagang tanong.

Sa iyong unang pagbisita, sisimulan na ng iyong doktor ang medical record ng iyong pagbubuntis. Lahat ng resulta ng eksaminasyong ginagawa sa iyo ay isinusulat dito. Kapag binigyan ka ng kopya nito, itabi ito at ingatan. Kapag ikaw ay nagkaroon ng komplikasyon, madaling malalaman ng iyong doktor ang kondisyon ng iyong katawan. At kung ikaw naman ay lilipat ng ibang tirahan o ibang doktor, malalaman niya ang mga naging resulta ng mga dati mong pagsusulit.

Mga Medical test sa ika-2 buwan ng Pagbubuntis

Dahil ito ang pinakauna mong pagbisita sa doktor. Magsasagawa siya ng ilang routine tests. Kabilang dito ang Pap smear upang malaman kung may abnormal na nagaganap sa iyong cervix, at mag-swab para i-tsek kung may impeksiyon. Kasama rin dito ang mga pagsusulit sa ihi at dugo.

Ang Pagsusuri sa ihi ay isinasagawa upang malaman ang presensiya ng mga sumusunod:

  • Protina, posibleng senyales ng problema sa bato o pregnanch-induced hypertension
  • Asukal, senyales ng diabetes

Ang Pagsusulit sa dugo ay isinasagawa upang malaman ang mga sumusunod:

  • Bilang ng hemoglobin at iron upang malaman kung may anemia
  • Nakakahawang sakit tulad ng HIV o hepatitis B
  • ABO blood grouping at rhesus (Rh) factor
  • Immunities lalo na sa rubella at bulutong
  • Namamanang sakit tulad ng sickle cell anemia o thalassemia

Maari ring ikaw ay irekomendang sumailalim sa nuchal translucency measurement test. Ang pagsusulit na ito ay ginagawa pagsapit ng ika-10 hanggang ika-14 na linggo ng pagbubuntis. Gamit ang ultrasound, susukatin ang fluid space na nasa likod ng leeg ng fetus. Mula sa resulta nito kabilang ang edad ng nanay at ang hormone levels sa kaniyang dugo ay malalaman kung ang sanggol ay may posibilidad magkaroon ng chromosomal abnormality. Kapag nagpositibo ito, ikaw ay papayuhan na kumuha pa ng ibang diagnostic tests gaya ng amniocentesis at chorionic villus sampling. Ang mga pagsusuring ito ang tiyak na makakatukoy kung ano ang problema ng iyong anak sa kaniyang chromosomes.

Pregnancy Checklist para sa Ika-2 buwan ng Pagbubuntis

Magkaroon ng early pregnancy appointments: Siguraduhing maayos at nasusunod ang mga prenatal appointments mo sa iyong doktor. Sa iyong unang pagbisita, ipaparinig sa iyo ng iyong doktor ang pagtibok ng puso ng iyong anak. Kung ikaw ay buntis ng kambal, makakarinig ka ng dalawang pagtibok.

Sumunod sa diyeta: Ang iyong doktor ay magrerekomenda ng masustansiyang diyeta para sa buntis, sundin ito upang maging maayos ang paglaki ng iyong anak.

Pabago-bagong emosyon: Ngayong nasa ika-2 buwan ka ng pagbubuntis, makakaramdam ka ng paiba-ibang emosyon. Maari kang sumali sa mga organisasyon o grupo ng buntis upang magkaroon ka ng katuwang sa yugtong iyong pinagdaraanan.

Alamin ang araw ng iyong panganganak: Tanungin mo sa iyong doktor ang tinatayang araw ng iyong panganganak upang mapaghandaan ito.

Antenatal care: Ang pinakasiguradong paraan upang malaman na ikaw at ang iyong sanggol ay malusog ay ang pagkakaroon ng iba’t ibang pagsusulit habang ikaw ay buntis. Kabilang dito ang ultrasound, checkup, at screening.

Pagba-badyet: Hindi murang magpalaki ng anak kaya ngayon pa lamang ay simulan mo na at ng iyong asawa ang pagpla-plano tungkol sa inyong pera.

Bigyan ng oras ang iyong asawa: Mahalaga ang tungkulin na ito, ngunit madalas ay naisasantabi habang buntis. Siguraduhin na ikaw ay nagkakaroon pa rin ng oras para sa iyong asawa. Lumabas upang kumain, mamasyal, at magtalik.

Magdesisyon kung saan ka manganganak: Maari kang manganak sa ospital sa tulong ng OB-GYN. O maari din sa iyong bahay katulong ng isang midwife. Habang maaga pa lamang ay alamin na kung ano sa dalawa ang tama para sa iyo.

 

Pagbubuntis sa Ika-2 Buwan
Rate this post

KATULAD NA MGA ARTIKULO