11 Pagkaing Dapat Kainin ng Mga Nagpapasuso, 7 Pagkaing Bawal-na-bawal!

Tagal ng pagbabasa: 9 minuto

Ang artikulong ito ay tatalakay sa mga pagkaing kailangang kainin ng isang inang nagpapasuso para matugunan kapwa ang pangangailang ng kanyang katawan at sa sanggol na kanyang pinapasuso. Iisa-isahin din natin ang mga pagkain at inumin na hindi dapat, bawal sa isang nagbi-breastfeed.

Pagkatapos manganak, may mga nanay na nag-iisip agad kung paano ba magbabawas ng katawan para makabalik sa dating hugis ng kanilang katawan.

Pero tandaan mga nanay; may isang bagay na mas mahalaga pa kaysa sa pagpapayat pagkatapos kang manganak, iyan ay ang pagkain ng mga pagkain na magbibigay saiyo ng lakas habang ikaw ay nagpapasuso.

Ang paunti-unti ngunit patuluyang pagkain ng masusustansya sa buong maghapon ay makapagbibigay makapagdaragdag sa lakas na kailangan mo bilang isang bagong nanay. Kung ikaw ay nagpapasuso, ang kalidad ng gatas na manggagaling saiyo ay hindi naman magbabago kahit na ano pa ang kainin mo.

Kung nagpapasuso ka subalit hindi mo naman nakukuha ang mga nutrients na kailangan ng iyong katawan, ibibigay ng katawan mo kung ano man ang natitirang lakas na para sa sarili mo mismo. Kaya dapat na siguruhing nakukuha mo ang lahat na mga nutrients na kailangan mo at nang baby mo. Tiyak na pareho kayo ng baby mo makikibabang kung gagawin mo ito.

Narito ang 11 pagkaing dapat kainin ng mga inang nagpapasuso.

 

#11: Salmon para sa breastfeeding

Alam mo, wala naming perpektong pagkain para sa mga nanay na nagpapasuso. Pero ang salmon ay halos perpekto kung pag-uusapan ang energy na naibibigay nito sa mga nanay na nagpapasuso. Tulad ng iba pang mga matatabang isda, ang salmon ay nagtataglay din ng DHA. Ang DHA ay isang uri ng fats na kailangang kailangan para sa development ng nervous system ni baby.

Kung sabagay, lahat naman nang gatas ng ina ay nagtataglay ng DHA, pero napatunayan ng mga dalubhasa na mas mataas ang DHA content ng gatas ng ina na nakakakuha ng mas maraming DHA sa kanilang pagkain.

Ang DHA ng salmon ay tulong din para maging maganda ang iyong mood. May mga pag-aaral na nagsasabing ang DHA ay nakatutulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng post-partum

Tandaan lamang: irinerekomenda ng FDA ng Pilipinas ang paglilimita ng pagkain ng salmon hanggang sa katamtamang 12 onsa lamang bawat linggo sa mga babaeng nagpapasuso, buntis o kaya ay may posibilidad na buntis. Ang kautusang ito ay naglalayong malimitahan ang pagkakahantad ng baby sa mercury na isang kilalang lason kung mapasobra.

Mababa lang naman ang level ng mercury sa salmon kumpara sa iba pang uri ng isda. Ang tanggige at mackerel ay may mas mataas na mercury content kaya dapat na iwasang makadami. Ang 12 onsa ay rekomendadong dami. Ang pagkain ng salmon sa mas maraming sukat ay hindi naman agarang nakakasama basta’t huwag ka na munang kakain nito sa susunod na lingo.

#10: Mga pagkaing gawa sa gatas na low-fat, mayaman sa mga bitamina

Ang mga produktong gawa sa gatas tulas ng yogurt, keso at iba pa ay mahalagang sangkap ng malusog na pagpapasuso. Alam mo ba na ang gatas ay nagtataglay ng vitamin D na nakapagpapalakas ng mga buto? Oo! Mayaman din ito sa calcium!

Karagdagan pa, ang gatas ay nagtataglay ng protina at vitamin B na tumutulong sa mabilis na paglaki at kalusugan ng mga ugat.

Kapag nagpapasuso, ang gatas na galing sa nanay ay mayaman sa calcium upang mapabilis ang pagtubo ng mga buto ni baby. Kaya kung isa kang nanay na nagpapasuso, kailangan mong kumain ng mga pagkaing mayaman sa calcium para mapunan ang calcium na kailangan din naman ng katawan mo. Subukang kumain o uminom ng gatas o iba pang produkto na yari dito, tatlong tasa araw-araw.

#9: Karneng baka, mayaman sa iron!

Ang pagkain ng karneng baka ay makatutulong sa mga bagong nanay na masapatan ang kanilang pangangailangan sa dagdag na energy. Ang kakulangan ng iron sa katawan ay maaaring maging dahilan kung bakit pakiramdam mo ay naghihina ka. Kung ganito, mahihirapan kang magpasuso dahil wala kang sapat na lakas para gawin ito.

Ang mga inang nagpapasuso ng sanggol ay nangangailangan din ng extrang  protina at vitamin B-12. Mabuti naman, ang karneng baka ay mayaman sa mga nutrients na ito.

#8: Mga beans

Ang mga beans tulad ng sitaw, bataw, gisantes, monggo at iba pa ay mga pagkaing kilala sa pagiging mayaman ng mga ito sa protina. Dahil diyan, ang mga beans ay mainam na pagkain ng mga inang nagpapasuso. Dahil sa ang mga ito ay sagana sa ating bansa, ang beans ay isang murang source ng protina para sa breastfeeding moms. Pwede itong substitute sa protinang nakukuha natin sa pagkain ng karne ng hayop.

#7: Huwag magtipid sa kanin!

Baka matukso kang magbawas ng pagkain ng kanin para mabilis kang makabalik sa dati mong timbang. Pero tandaan, huwag kang magbawas ng kanin! Ang mabilis na pagbabawas ng timbang ay maaaring maging dahilan nang biglaang pagkatuyo ng gatas at panghihina. Mas makabubuting kumain ng brown rice bilang substitute sa ordinaryong bigas na dati mong sinasaing. Ang pagkain ng sapat na brown rice ay magbibigay saiyo ng calories na kinakailangan ng katawan mo para makagawa ng pinaka-magandang uri ng gatas na kailangan ni baby.

#6: Kumain ng orange kung nagpapasuso

Ang orange o dalandan ay pagkain na kilala sa pagiging nutritious nito. Madaling dalhin ang orange at mabilis nitong napanunumbalik ang lakas. Dahil sa kailangan ng mga nanay na nagpapasuso ng sapat na suplay ng vitamin C, ang pagkain ng orange at iba pang uri ng citrus ay irinerekomenda sa mga buntis at kapapanganak pa lamang. Ang pag-inom ng orange juice ay pwede rin gawing substitute sa pagkain ng fresh na dalandan.

#5: Itlog, pampagatas!

Dahil sa kailangan ng katawan ng nanay para makapag-produce ng de-kalidad na gatas, ang itlog ay mainam na kainin araw-araw. Kumain ng dalawang pirasong itlog na pinirito sa agahan, maglaga ng isa o dalawang itlog sa tanghalian o gumawa ng omelette sa gabi. Mayaman din ito sa DHA na kailangan ng mga sanggol para sa tamang development ng utak ni baby.

#4: Tinapay para kay nanay

Ang folic acid ay isang sangkap na kailangang kailangan para sa development ni baby lalong lalo na sa unang mga buwan nang pagbubuntis. Pero hindi lamang diyan nagtatapos ang pakinabang ng folic acid, ito ay isang mahalagang sangkap ng gatas ng ina na kailangan ng baby mo para magkaroon magandang kalusugan. Para makakuha ng sapat na folic acid kailangan mong kumain ng mga pagkaing sagana dito. Ang tinapay, lalo na ang whole grain na tinapay ay mayaman sa folic acid. Bukod diyan, ang whole grain bread ay mayaman din sa fiber at iron.

#3: Berdeng gulay, mayaman sa Calcium at vitamin A

Ang maberdeng mga gulay tulad ng petchay, repolyo, broccoli at iba pa ay mga pagkaing kilala na mayaman sa vitamin A, na mabuti sa nanay na nagpapasuso at sa baby. Hindi lang yan, ang mga gulay ay sagana rin sa calcium, vitamin C at iron. Mayaman din ang mga ito sa anti-oxidant at mababa sa calories.

#2: Mga cereal na whole grain

Ang pagkain ng cereals tuwing umaga ay tumutulong sa mga bagong nanay na mabawi ang lakas na naiwawala nila dahil sa pagpupuyat. Karamihan sa mga cereals na nabibili sa mga botika ay nagtataglay at fortified ng mga bitamina at mineral na kailangan kapwa ng nanay at ng baby. Haluan ng gatas at prutas ang mainit o pinalamig na oatmeal sa umaga.

#1: Higit sa lahat, tubig!

Dahil sa nagpapasuso ng sanggol, ang mga nanay na bagong panganak ay prone sa pagkakaroon ng dehydration. Para mapanatili ang tamang antas ng lakas ng pangangatawan at produksyon ng gatas, dapat na siguruhing sapat ang tubig sa katawan ng isang nanay.Pwede ka naming uminom ng juice o gatas. Pero mag-ingat sa pag-inom ng mga inuming may caffeine tulad ng kape at tsaa. Huwag iinom ng mahigit sa dalawang tasa ng kape araw-araw. Ang caffeine na nasa kape at humahalo sa gatas ng ina na pwedeng maging dahilan kung bakit hindi makatulog at iritable si baby.

7 Pagkaing Bawal sa Nagpapasusong Nanay

Ginugol mo ang siyam na buwan sa kakaisip kung anong mga pagkain ang hindi mo pwedeng kainin kasi nga buntis ka at makakaapekto ito sa paglaki ng sanggol na nasa sinapupunan mo. Ngayon, kailangan mo ring bantayan ang iyong mga kinakain at iniinom dahil sa nagpapasuso ka na, at maaaring makaapekto ang mga pagkain at inumin na ipinapasok mo sa katawan mo, sa baby na inaalagaan mo!

Mahalaga na kumain ng regular araw araw kapag nagpapasuso para matiyak mo na nakakakuha ka ng sapat na sustansya na kailangan para mas dumami pa ang gatas na nagagawa ng katawan mo. Pero tandaan mo, may mga pagkain kang dapat iwasan. Narito ang 7 pangunahing pagkain na bawal sa buntis.

#7: Kape

Alam naming kailangan mo ng kape lalo na ngayong mga panahon na halos hindi ka na makatulog dahil sa pagbabantay sa bagong silang mong baby. Linawin natin, ang kaunting kape ay hindi naman masama, pero tandaan na ang caffeine sa kape na iniinom mo ay humahalo sa gatas mo.

Ang katawan ng sanggol ay hindi pa naman handa para gamitin ang caffeine di tulad nating mga matatanda. Kaya kung umaasa ka na matutulog agad si baby para makapagpahinga ka na rin, uminom ka nang kape mo kung kalian tulog na ang anak mo!

#6: Isda

Tulad ng nabanggit natin sa unahan ng artikulong ito, hindi mo naman kailangan na iwasan totally ang pagkain ng isda, pero dapat na maging mapamili ka sa kung anong mga seafood ang kailangan mong kainin. May mga isda kasi na sadyang mataas ang mercury content, na maaaring humalo sa gatas mo. Sundin mo lamang ang rules ng pagkain ng isda noong buntis ka, at wala ka nang dapat na ipangamba pa.

#5: Tsokolate

Hindi mo naman dapat na kompletong iwasan ang pagkain ng chocolate, pero tandaan: tulad ng kape, ang tsokolate ay nagtataglay din ng caffeine. Napansin ng ilang nanay na nagtatae ang kanilang mga baby kapag kumain sila ng chocolates. Bantayan ang epekto ng pagkain nito sa baby mo. Kung hindi siya mapakali o kaya ay biglang nagkaroon ng diarrhoea, ibig sabihion nyan na talagang bawal na bawal saiyo ang pagkain ng tsokolate.  

#4: Alak

Hindi na dapat ito pag-isipan pa, pero sasabihin pa rin naming ito rito. Ang alak na ininom mo ay tiyak na hahalo sa gatas ng ina at talagang makakaapekto sa sanggol. Bagaman mas makabubuting hindi ka na uminom ng alak kung ikaw ay nagpapasuso, mahalaga ring malaman mo na ang alak ay natutunaw sa katawan paglipas ng isa o dalawang oras. Hindi naman mananatili ang alak sa dugo mo, kaya kung pakiramdam mo ay wala nang epekto ang alak na ininom mo, pwede ka na naming magpasuso sa sanggol mo.

#3: Mga prutas na citrus

Ang bituka ng baby mo ay hindi pa masyadong matibay kaya may ilang mga sangkap sa mga prutas na citrus na maaaring makapinsala sa kanyang bituka. Ang pagkain mo ng ganitong mga prutas ay maaaring maging dahilan ng kanyang pagsusuka, pagdighay o kahit pagkakaroon ng diaper rush. Kaya kung kailangan mo ng vitamin C, uminom ka na lamang ng pineapple o mango juice.

#2: Mani

Kung alam mong may history ang pamilya mo ng allergy sa mani, dapat na iwasan mong kumain nito hanggang da panahong mawalay na sa pagsuso ang anak mo. Ang sangkap ng mani na nakakaallergy ay maaaring mahalo sa gatas ng ina. Kung hindi mo sigurado kung may allergy din sa mani si baby, bantayan kung mahihirapan siya sa paghinga o tinubuan ng pamamantal. Ang mga ito ay palatandaan ng pagkakaroon ng allergy.

#1: Bawang

May mga Pinoy na ayaw na ayaw ng lasa at amoy ng bawang. Pero may isa pang dahilan kung bakit dapat mong ayawan ang bawang, humahalo din kasi ito sa gatas ng nanay. Kung napapansin mong parang nagdadalawang isip na dumede si baby, alalahanin kung kalian ka huling nakakain ng pagkaing may bawang.

Bagaman iniisip natin na ang bawang ay gamot, ang ngala-ngala ni baby ay hindi pa naman handa para malasahan ito!

11 Pagkaing Dapat Kainin ng Mga Nagpapasuso, 7 Pagkaing Bawal-na-bawal!
5 (100%) 1 vote

KATULAD NA MGA ARTIKULO