Sintomas Ng Buntis 2 Weeks: Mabuti Nang Malaman Mo Nang Mas Maaga!

Tagal ng pagbabasa: 9 minuto

Iniisip mo ba na baka ikaw ay buntis? Kahit dalawang linggo pa lamang ang nakakaraan, may mga palatandaan ka nang makikita kung ikaw ay talagang nagdadalang tao. Pag-usapan natin ang ilan sa mga sintomas ng buntis para sa 2 weeks.

Alam mo ba?

Nag-uumpisa ang pagbibilang ng araw sa pagbubuntis dalawang linggo bago ka pa man aktwal na maglihi! Ito ay nag-uumpisa sa unang araw ng iyong huling menstruation. Sa ganitong paraan natatantiya ng mga doktor kung kalian lalabas ang baby mo!

Kailan nag-uumpisa ang pagbilang ng mga araw at linggo ng pagbubuntis?

Karamihan sa mga OB o obstetrician ay nagsisimulang magbilang ng pagbubuntis mula unang araw ng iyong huling regla. Oo, malamang na isa o dalawang linggo bago ka pa man aktwal na mabuntis.

Baka isipin mong mali ang paraang ito ng pagbibilang, pero ang totoo, ito ang pinakatumpak na paraaan ng pagbibilang ng pagbubuntis dahil ito ang basehan ng mga doktor kung paano tatantiyahin ang iyong due date o araw ng panganganak.

Kaya kung iniisip mong dalawang linggo ka nang naglilihi, baka ang totoo ay apat na linggo ka na palang buntis! Baka nga limang linggo na! Kaya kung gusto mong malaman ang mga sintomas ng buntis para sa 2 weeks, pwede mo na itong laktawan hanggang week 4 o 5.

Pero kung nasa ikalawang linggo ka na nang iyong buwanang cycle at gusto mong mabuntis, may mga advice kaming sasabihin sa iyo na tiyak na makakatulong sa iyo na mabuntis.

Ang pagbubuntis ay nakadepende nang malaki sa timing ng pagtatalik kung kelan ka pinaka-fertile – mga dalawang araw bago ka mag-ovulate at isang araw matapos ang ovulation.

Kaya kung ikaw ay may regular na 28-day cycle ka, malamang na mag-oovulate ka sa ika-15 araw. Pero ang tanong, sino ba naman ang may regular na 28 na araw na cycle buwan-buwan? Wala namang ganoon, kaya mahirap ding tantiyahin kung kalian ka mas madaling mabuntis.

Sintomas ng pagbubuntis para sa 2 weeks: Baka sintomas ng ovulation?

Buti nalang, may mga sintomas ng ovulation na maaari mong bantayan kung gustong-gusto mo na talagang mabuntis. Tandaan lang na ang mga sumusunod ay maaaring mapagkamalan na sintomas ng pagbubuntis sa ikalawang linggo. Pero ito ay mga sintomas ng ovulation na makatutulong sa iyo na matukoy kung kalian kayo dapat magtalik para mabuntis.

Narito ang ilan sa mga sintomas ng ovulation na madalas mapagkamalang sintomas ng pagbubuntis para sa 2 weeks:

Mucus sa cervix na kahawig ng puti ng itlog. Nakakadiri mang sabihin pero totoo ito, at nangyayari ito sa iyo buwan buwan. Ang mucus na nanggagaling sa kuwelyo ng iyong at matris na lumalabas sa pwerta mo ay magiging malabnaw at malinaw katulad ng puti ng itlog. Ito malamang ay para matulungan ang mga sperm cell sa pagbiyahe nila papunta sa itlog sa matris mo.

Mas sensitibong pang-amoy. Sa maniwala ka o hindi, ang mga pagbabago sa hormones sa katawan mo ay siyang dahilan kung bakit mas maselan ang iyong ilong sa ngayon. Ito siguro ang paraan para mas maamoy mo ang pheromones na pinakakawalan ng asawa mo para kayo ay makapagparami.

Pananakit at pamamaga ng dibdib. Ang mga hormones na kauganay ng ovulation ay siyang dahilan kung bakit pakiramdam mo ay masakit at namamaga ng kaunti ang dibdib mo.

Pananakit ng baywang. Kapag ang obaryo mo ay magpakawala ng itlog, makararamdam ka ng kaunting kurot sa isang banda ng iyong tiyan na umaabot sa baywang at balakang. Ang kundisyong ito ay tinatawag na Mittelschmerz, kuha sa pangalan ng doktor na unang nakapagdokumento nito.

Kaunting spotting. Malamang na mapansin mong may bahid ng dugon sa panty mo sa mga panahon ng iyong ovulation. Nagyayari ito kapag ang follicles na nasa palibot ng itlog ay pumutok. Kung ito man ay malakas na pagdurugo, malamang na hindi ito spotting dahil sa ovulation, malamang na ito ay dahil sa isang seryosong kundisyon tulad ng pagbubuntis na ectopic. Sabihin agad sa doktor mo kung nakararanas ka ng pagdurugo na mas malala pa sa iyong regla.

Mas ganado sa pakikipagtalik. Baka mapansin mong bigla ka na lamang naging ganado sa sex kumpara noong mga nakaraang mga araw. Ito ay malamang na hudyat na ito na ang tamang panahon para gumawa ng baby!

Mga pagbabago sa cervix. Kung regular mong kinakapa ang iyong matris, malamang na mapansin mong ito ay mas mataas, mas malambot at mas nakabukas kung ikaw ay nag-oovulate.

May mga babaeng gumagamit ng ovulation test kit para matukoy kung kalian sila mas malamang na fertile. Ang isa pang paraan para mabuntis ay ang pagtatalik nang araw-araw magmula ika-12 hanggang ika-16 araw ng iyong buwang siklo – ibig sabihin ay mula sa huling bahagi ng ikalawang linggo hanggang sa unang mga araw ng ikatlong linggo.

Tandaan:

Ang mga kakaibang pakiramdam na nararanasan mo sa ikalawang linggo ng pagbubuntis ay malamang na hindi naman sintomas ng pagbubuntis, bagkus ay mga sintomas ng ovulation. Pero huwag kang mawalan nang pag-asa, hudyat nga ito na malamang na mabuntis ka na ngayon!

Ano ang tunay na mga sintomas ng pagbubuntis para sa 2 weeks?

Linawin natin, kung ikaw ay naglilihi sa ikalawang linggo, hindi mo pa naman talaga mapapansin ang mga sintomas ng pagbubuntis hanggang sa magkaroon ng sapat na hormones para sa mga buntis ang iyong katawan. Iyan na ang panahon na magpo-positibo ang iyong pregnancy test sa bahay dahil sa presensya at sapat na ng HCG sa katawan mo.

Malamang na mangyari iyan sa ikaapat o ikalimang linggo, kung kailan kumpirmado mo nang hindi ka na dinatnan ng iyong regla. Sa panahong ito, ang iyong mga hormones sa panahong ito ay magsisimula nang maging dahilan ng mga pagbabago sa katawan mo.

May mga babaing nagsasabi na nakakaranas sila ng mga sintomas bago pa man sumapit ang ikaapat na linggo. Narito ang ilan sa mga sintomas na maaari mong maranasan:

Namamagang suso

Ang pamamaga at pagkirot ng suso ay isa sa mga pangunahing sintomas ng pagbubuntis. Sa unang mga linggo ng iyong pagbubuntis, ang iyong suso ay lalaki at magbabago ng hugis para ihanda ito sa paggawa ng gatas. Dahil sa mga pagbabagong ito, ang iyong dibdib ay magiging mas sensitibo sa loob ng ilang buwan. Ayon sa mga dalubhasa, hindi lahat ng mga babaeng nagdadalang tao ang nakakaranas ng sintomas na ito lalo na kung ang babae ay gumamit ng artipisyal na mga pamamaraan para iwasan ang pagbubuntis.

Pangitim ng utong at ng palibot nito

Sa ilang kababaihan, ang kanilang hormones na komukontrol sa pagbubuntis ay siyang nagiging dahilan ng pag-itim ng utong. Ito rin ang dahilan ng paglapad ng areola, ang pabilog na hugis sa palibot ng utong para ihanda ang suso sa pagpapalabas ng gatas sa panahon ng pagpapasuso.

Pagdurugo

May ilang mga babae na nakakaranas ng spotting o pagpatak ng kaunting dugo sa kanilang underwear sa unang dalawa ng linggo ng kanilang pagbubuntis. Ito ay nangyayari kapag ang embryo na nabuo dahil sa pertilisasyon ay dumikit na sa bahay bata. Kaya kung kakaunti lamang ang regla na lumabas saiyo ngayon buwan, baka spotting na iyan. Baka kailangan mo nang kumuha ng pregnancy test. Sundan ang link na ito para malaman mo kung paano isinasagawa ang pregnancy test at kung kailan ito dapat gawin. (Magbasa: Paano Ba Ginagamit Ang Pregnancy Test?)

Madalas na pag-ihi at kahirapan sa pagdumi

Kung ikaw ay buntis, maiipit ng matris ang iyong pantog na magiging dahilan ng madalas na pag-ihi. Ang pressure na dala ng paglaki ng matris ay magiging dahilan rin ng kahirapan sa pagdumi. Ang sintomas na ito ay magiging mas matindi habang lumalaki ang bata sa sinapupunan.

Pagkapagod

Kadalasan sa mga kababaihan na nagdadalang tao ay nakararanas ng matinding pagkahapo sa unang yugto ng kanilang pagbubuntis. Mawawala din ang ganitong pakiramdam pagkaraan ng ika-12 linggo kapag ang inunan ng baby buo na.

Pagkahilo

Ang pagkahilo ay isa sa pangunahing sintomas ng pagbubuntis. Dahil ito sa biglaang pagtaas ng dami ng iyong hormones. Walumpung porsiyento ng mga babaeng buntis sa buong mundo ay nakararanas ng pagkahilo tuwing umaga sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis. Para naman sa iba, ang pagkahilo ay hindi lang nararamdaman sa umaga, may mga babae na nahihilo maghapon, o kahit gabi!

Ang pagbilis ng tibok ng iyong puso para bigyang daan ang bagong nabubuhay na bata saiyong sinapupunana ay nagiging dahilan ng biglaang pagtaas o pagbaba ng iyong blood pressure. Bilang resulta, baka makaramdam ka ng biglaang pagkahilo o pag-gaan ng ulo minsan sa maghapon.

Maselan na pang-amoy

Ang maselang pang-amoy ay isa rin sa mga normal na nararanasan ng mga babaeng nagbubuntis lalo na sa unang buwan. Ang ilang mga siyentista ay naniniwala na ang maselang pang-amoy ng buntis ay makatutulong sa kanila na makaiwas sa mga pagkaing sira o panis na maaaring makasira sa kalusugan kapwa ng nanay at ng bata.

Mataas na temperatura ng katawan

Kung inoobserbahan moa ng iyong basal body temperature, makikita mo na tumaas ng isang degrees ang iyong temperatura. Buntis ka kapag ito ay hindi pa nagbabago sa loob ng dalawang linggo.

Hindi pagdating ng regla

Ang hindi pagdating ng iyong regla ang pinakatumpak na sintomas ng pagbubuntis. Hindi na ilalabas ng iyong bahay bata ang dugong naipon nito para ihanda ang silid na titirahan ni baby sa loob ng siyam na buwan. Subalit tandaan, ang hindi pagdating ng regla ay hindi palaging nangangahulgan na ikaw ay buntis, dahil nangyayari din ito sa mga walang asawa. Ang stress, iyong mga kinakain at ang pagiging irregular ng pagdating ng buwanang dalaw ay maaari ding maging dahilan ng pagkaantala ng regla. Kumuha ka muna ng pregnancy test o sumangguni sa doktor bago mo ipamalita nabuntis ka.

Matinding pagkagutom at pagasam sa pagkain

Kailangan ng isang buntis na babae ng 300 karagdagang calories araw-araw bawat araw para masapatan ang pangangailangan ng lumalaking sanggol sa sinapupunan. Ang ilang babaeng buntis ay nagtataka kung bakit hinahanap-nila ang mga pagkaing hindi naman nila dati gusto. Ang iba naman, kakainin nila ang lahat na uri ng pagkain basta maibsan lamang ang kanilang sobrang pagkagutom.

Madalas na pagsakit ng ulo

Kung ikaw ay dati nang pinahihirapan ng migraine, asahan mong lalala ito ngayonng buntis ka. May mga buntis na nagsasabi na mas lumulubha ang kanilang migraine o mayinding sakit ng ulo sa unang yugto ng kanilang pagbubuntis. May ilang nanay na nagreport na nakaramdam sila ng biglaang pagsakit ng ulo sa simula palang ng ikalawang linggo ng kanilang pagbubuntis.

Pagbabago-bago ng mood

Maraming babae ang nagsasabi na ang pagbabago-bago ng kanilang mood ay nag-uumpisa sa ikalawang linggo ng kanilang pagbubuntis. Ito ay isang normal na pamamaraan ng iyong katawan para i-adjust ito sa biglaang pagtaas ng mga hormones na komukontrol sa pagbubuntis.
Parang kalawang na lasa na di maalis-alis. May mga babaeng buntis na nagrereklamo tungkol sa lasang kalawang sa kanilang bibig na hindi maalis-alis. Walang sapat nap ag-aaral ang mga dalubhasa para tukuyin kung ano ang dahilan sa likod ng ganitong sintomas, pero ito ay maaaring magtagal ng siyam na buwan para sa ilang babaeng buntis.

Kakaibang mga panaginip. Ang mga panaginip ng mga babaeng buntis ay nagiging mas kakaiba sa paguumpisa ng kanilang ikalawang linggo. Kaya kung ang iyong mga panaginip ay parang mas nagiging madrama o maaksiyon, baka ito sa mga sintomas na nagsasabi na ikaw ay buntis!

Tandaan:

Bilang paglilinaw, ang mga sintomas na nabanggit ay hindi sintomas ng pagbubuntis para sa 2 weeks dahil ang totoo, imposible pa naman na matukoy kung buntis ka nga ba sa ikalawang linggo. Ito ay ang mga sintomas sa ikatlo o ikaapat na linggo.

Ang mga sintomas na ating inisa-isa ay ang pangkalahatang mga sintomas na nararanasan ng mga babaeng buntis dito sa atin sa Pilipinas.

Palala lamang, mahalaga ang pag sangguni sa doktor sa unang tatlong buwan ng iyong pagbubuntis! Sa ganitong paraan makikita ng doktor kung anong mga bitamina at mineral ang dapat mong inumin para maitama ang medikal na isyu na maaaringbmakita saiyo. Kung ikaw ay cover ng mga benepisyo ng Philhealth, ang pagsangguni sa doktor ng regular ay isa sa mga batayan para sabihing ikaw ay karapatdapat sa mga benepisyo na bigay ng gobyerno.

Kumusta na si baby sa ikalawang linggo ng pagbubuntis?

Hindi mo pa makikita ang ultrasound image ni baby sa yugtong ito ng pagbubuntis. Kung makikita mo ang loob ng iyong matris sa panahon ng ovulation, ganito ang itsura niyan: Una ang iyong obaryo ay magpapakawala ng ilog o egg cell na malamang na kasing laki ng isang butil ng dinurog na paminta, papunta sa iyong fallopian tube. Kailangan itong mafertilize sa loob ng 6 hanggang 12 oras.

Kung nakipagtalik ka sa huling anim na araw bago ang iyong ovulation, malamang na buhay pa ang mga sperm cells sa loob ng katawan mo. Kung hindi naman ay kailangan mong makipagtalik sa asawa mo para mabuntis ka.

Mga dapat gawin sa ikalawang linggo ng iyong buwanang siklo:

  • Magsagawa ng ovulation test
  • Bantayan ang mga palatandaan ng ovulation
  • Makipagtalik sa mga mga araw na malapit iyong pagiging fertile
  • Uminom ng vitamins para sa buntis tulad ng folic acid araw araw
Sintomas Ng Buntis 2 Weeks: Mabuti Nang Malaman Mo Nang Mas Maaga!
4 (80.85%) 47 votes

KATULAD NA MGA ARTIKULO