Katotohanan o Maling Paniniwala: Buntis pero may Regla?

Tagal ng pagbabasa: 7 minuto

Katotohanan o Maling Paniniwala: Buntis pero may Regla?

Maling Paniniwala. Bagama’t marami ang nagsasabi na buntis pero may regla, sadyang imposible ito sa mata ng siyensiya. Habang nasa early pregnancy pa lamang, maari kang makaranas ng “spotting,” na madalas ay kulay rosas o kaya’y kayumanggi. Kagaya ng pamantayan ng American Pregnancy Association: “Kung ikaw ay nagdurugo ng sapat upang punuin ang isang napkin o tampon, ito ay indikasyon na hindi ka buntis.”

Regla vs. Pagbubuntis

Ang regla ay buwanang dalaw na nangyayari kapag hindi na-fertilize ang egg cell ng babae. Ang egg cells ay lumalabas isang beses kada isang buwan mula sa obaryo (ovary) ng babae. Kapag hindi ito na-fertilize, ang itlog ay lumalabas papuntang uterus hanggang sa unti-unti itong mamatay at lumabas sa vagina. Ang normal na regla ay dahan-dahang nagsisimula hanggang sa mas lalong maging mabigat at madilim na kulay pula. Muling hihina ang daloy nito kapag malapit na matapos.

Ang pinagkaibahan ng regla at buntis ay kailangang gawing malinaw: Kapag ikaw ay nabuntis, hindi ka na magkakaroon ng regla. Sa kasamaang palad, mahirap itong ipaliwanag sa iba sapagkat may ibang kababaihan ang nagsasabing buntis pero may regla. Kaya mula rito, patuloy na kumakalat sa social media, blogs, at telebisyon ang maling paniniwala.

Ang pagdurugo ay hindi tiyak na palatandaan na may mangyayaring masama. May ilang kababaihan na nanganak naman ng malulusog na bata kahit sila ay nakaranas ng “spotting” sa kanilang unang trimester. Kapag ikaw ay dinugo habang buntis, ito ay dahilan ng ibang bagay, at hindi dahil ikaw ay may regla.

Dahil pagkatapos ng lahat, ang regla ay nangyayari lamang kung ikaw ay hindi buntis.

Paano kapag naging positibo ang aking Pregnancy Test ngunit, nagkaroon ng pagdurugo?

Mula 25 hanggang 30 porsyento ng kababaihan ang nagkaroon ng uri ng spotting o bleeding sa mga unang yugto ng kanilang pagbubuntis. Ito ay maaring resulta ng iba’t ibang factors gaya ng implantation bleeding, impeksiyon, iritasyon sa cervix, ectopic pregnancy, at maaring senyales ng pagkalalag ng bata.  

Karamihan sa kababaihan na nakaranas ng light spotting ay nagkaroon ng normal na pangangak at malulusog na babies. Ngunit, kalahati sa mga nagkaroon ng mas mabigat na pagdurugo ay nauwi sa pagkalaglag ng bata.

Sa kasamaang palad, walang paraan upang malaman kung ang vaginal bleeding ay mauuwi sa miscarriage. Kung ikaw ay nakakaranas ng mahinang pagdurugo na unti-unting tumitindi, samahan pa ng matinding pagsakit ng puson at likod, agad kang humingi ng tulong.

Kung ikaw ay nakakaranas ng kaunting spotting ngunit, nawala rin matapos ang ilang araw, magandang ideya na ipaalam mo pa rin ito sa iyong OB upang ma-monitor nila ang lahat ng nararamdaman mo sa iyong pagbubuntis.

Paano kapag nagkaroon ako ng Negative na Pregnancy Test kahit ilang buwan na akong walang regla, ang ibig sabihin ba nun ay hindi nga ako buntis?

Ang negative results ay maaring nangangahulugang hindi ka buntis, o kaya’y masyado pang maaga ng kumuha ka ng test, at maari ring sadyang mali ang paraan mo ng pagkuha ng test. Ang Pregnancy tests ay iba-iba sa kanilang sensitivity (oras na kailangan upang ma-detect ang hormone na hCG), at maaring hindi mo rin binigyan ng sapat na oras ang iyong katawan na gumawa ng sapat na hCG hormones para ma-detect ito sa test.

Dagdag pa, kapag masyado mong pinatagal ang pagkuha ng test (higit sa instructions na nakasulat sa box), maaring maging negatibo rin ito. Kaya, mabuting sundin ang lahat ng nakasulat na tagubulin, at hintayin mo munang lumampas ang inaasahang araw ng iyong dalaw bago kumuha ng pregnancy rest. May ilang kababaihan ang nag-positibo sa kanilang pregnancy test sa parehong araw na sila ay nilampasan ng dalaw, at may iba na hindi naging positibo ang resulta hanggang lumipas ang tatlo hanggang apat na linggo.  

Kaya, aming inirerekomenda na ikaw ay kumuha ng pregnancy test pagkatapos mong magmintis sa dalaw, at kung negatibo ang resulta nito ay maghintay muna ng ilang linggo at muling subukan mag-pregnancy test.

Maari bang malaman ang tiyak na petsa ng Conception?

Maraming kababaihan ang may tanong tungkol sa posibleng petsa ng conception o ang araw kung saan magsasama ang sperm cell ng lalaki at ang egg cell ng babae. Ang madalas na palagay tungkol dito ay kung ang babae ay may regular na menstrual cycle, siya ay maglalabas ng egg cell sa parehong araw ng buwan.

Ang ovulation ay tumutukoy sa oras kung saan posibleng magkaroon ng conception dahil mayroon egg cell na inilabas ang iyong katawan. Ang problema, karamaihan sa kababaihan ay hindi nago-ovulate sa parehong petsa kada buwan. Marami ang pabago-bago ng araw ng kanilang ovulation.

Idagdag pa rito na ang sperm ng lalaki ay kaya lamang mamuhay ng tatlo hanggang limang araw pagkatapos maganap ang pagtatalik. Dahilan upang lalo pang maging mas mahirap magkaroon ng conception.

Marami sa mga doktor ang sinusukat ang unang araw ng huling dalaw (LMP – last menstrual period), at gumagamit ng ultrasound upang malaman ang gestational age at ang posibleng araw kung kelan ilalabas si baby. Ngunit, ang mga pamantayan na ito ay ginagamit lamang upang ma-tantiya ang mga araw – halos imposible na malaman ang eksakto o tiyak na araw ng conception.

Marami ang hindi nakaka-alam na ang resulta ng ultrasounds ay madalas huli ng ng lima hanggang pitong araw habang nasa early pregnancy. At hanggang ilang linggo kapag isinagawa ang ultrasound sa ikalawa at ikatlong trimester.

Hindi rin tiyak na pamantayan ang paggamit ng due dates (mga araw kung kelan posibleng manganganak) upang malaman ang conception dahil ito ay pang-tantiya lamang (tanging 5% lamang ng kababaihan ang nanganganak sa kanilang due dates). Kung nais mong malaman ang tinatayang araw ng conception dahil nagkaroon ng problema kung sino ang tunay na ama. Paternity test ang dapat pagsusuring isagawa. Ito ay maaring gawin habang ikaw ay buntis o kapag lumabas na ang iyong anak. Ito lamang ang tanging paraan upang siguradong malaman ang tunay na ama.  

Paano kapag nagkaroon ako ng sintomas ng pagbubuntis na sinundan ng matinding pagdurugo?

Kung nakakaranas ka ng mga sintomas ng pagbubuntis, at nagkaroon ng matinding pagdurugo, maganda na pumunta ka sa iyong doktor upang malaman ang sanhi nito. Maari itong resulta ng hormonal imbalance, impeksiyon, o kaya’y pagkalaglag ng bata.

Paano kapag nakaramdam ako ng Cramping habang buntis?

Karaniwan sa mga buntis ang makaranas ng kaunting cramping habang nasa mga unang yugto ng pagbubuntis. Ang cramping ay maihahalintulad sa mahinang pagsakit  sa ibabang bahagi ng tiyan. Madalas itong resulta ng mga pagbabago na nagaganap sa iyong uterus dahil ang iyong baby ay unti-unting lumalaki. Ngunit, maari rin itong sintomas ng cyst na tinatawag na corpus luteum cyst na maaring mabuo sa obaryo habang ovulation.

Ang cyst ay nabubuo sa obaryo kung saan nanggaling ang egg cell bago ito lumalabas patungo sa uterus. Ang cyst ay gumagawa ng sarili nitong progesterone bukod pa sa ginagawa ng placenta dahilan upang makaramdam ng pananakit sa mga unang panahon ng pagbubuntis.   

Pagtanggi sa sarili na ikaw ay buntis

Isa pa ito sa madalas na dahilan kung bakit buntis pero may regla ang isang babae. Ito ay isang hindi pangkaraniwang pangyayari kung saan lubos na itinatanggi ng babae sa kaniyang sarili na siya ay buntis. Ang psychological effects nito ay sobrang lakas dahilan upang ang kanilang pisikal na katawan ay hindi magpakita ng anumang uri ng sintomas ng pagbubuntis. Hindi sila naduduwal, at hindi rin masyadong lumalaki ang kanilang tiyan. Madalas, tanging ang paglabas lang ng bata ang tanging indikasyon na sila nga ay buntis.

Dahilan ng Pagdurugo sa Unang Trimester

Higit kumalang 25-30% ng kababaihan ay nakaranas ng spotting habang nasa kanilang early pregnancy. Ang ilan sa mga sanhi nito ay:

  • Implantation bleeding
  • Mga pagbabago sa cervix
  • Impeksiyon
  • Ectopic Pregnancy (ang fertilized egg ay nagpunla sa fallopian tube sa halip na sa uterus)
  • Paunang senyales ng miscarriage
  • Molar Pregnancy (may tumubong tumor sa uterus)

 

Implantation Bleeding

Ito ay nangyayari habang nasa unang yugto ng pagbubuntis. Marahil sa mga oras na ito, hindi ka pa kumukuha ng pregnancy test. Ang implantation bleeding ay nagaganap kapag ang fertilize egg ay nagpunla sa uterus. Madalas itong nangyayari sa mga araw na inaasahan mo ang iyong dalaw. Maraming kababaihan ang nagkakamali tungkol sa Implantation bleeding. Ang akala nila ay katumbas ito ng regla, dahilan upang marami ang magsabi na sila ay may dalaw kahit sila ay buntis. Upang malaman ang pinagkaibahan ng dalawa, ang Implantation bleeding ay tumatagal lamang ng isa hangang dalawang araw samantalang ang regla ay maaring tumagal hanggap pitong araw. Kulay light pink at brown ang kulay ng implantation bleeding, at pulang-pula naman sa regla.

Hindi magtatagal pagkatapos mong malaman na ikaw ay buntis, makakaramdam ka ng spotting dahil sa mga pagbabago sa iyong cervix. Karaniwan lamang ito maliban kung may impeksiyon.

Iba pang sanhi:

Ang ilang uri ng maagang pagdurugo ay maaring senyales ng emergency medical issue gaya ng:

  • Molar Pregnancy
  • Impeksiyon
  • Pagkalaglag ng bata (miscarriage)
  • Ectopic Pregnancy

Ang mga senyales na ito ay may kasamang:

  • Matinding abdominal pain
  • Masakit na likod
  • Pagkawala ng malay
  • Matinding pagod
  • Masakit na balikat
  • Lagnat
  • Vaginal Discharge
  • Hindi mapigilang pagsusuka
  • Matinding pagdurugo gaya ng sa regular na dalaw

Dahilan ng Pagdurugo sa Ikalawa at ikatlong Trimester

Ang patuloy na pagdurugo pagkatapos ng unang trimester ay hindi magandang senyales. Anumang uri ng pagdurugo sa ikalawa at ikatlong trimester ay hindi maganda kaya tawagin agad ang iyong doktor para sa isang emergency visit.

Karaniwang dahilan ng pagdurugo ay ang mga sumusunod:

  • Preterm labor o cervical dilation
  • Pagkalaglag ng bata
  • Plancenta Previa
  • Paghihiwalay ng Placenta sa Uterus (Placental abruption)
  • Pagsabog ng bahay-bata (Madalang mangyari)
  • Vasa Previa (Madalang mangyari)

Preterm labor

Ito ay tumutukoy sa panganganak bago pa umabot ng 37 weeks. Bago magkaroon ng preterm labor, may ilang kababaihan ang nakakaramdam ng mga senyales ng katulad sa regular na dalaw na may kasamang mucus discharge. Makakaramdam din ng pamumulikat at contraction ng bahay-bata. Kabilang sa mga sintomas ng Preterm labor ay ang sumusunod: masakit na likod, pressure at discharge sa vagina.

Placenta previa

Ito ay nangyayari kapag ang placenta ay masyadong nagpunla ng mababa sa bahay-bata, dahilan upang maharangan nito ang cervix. Iba-iba ang klase ng pagdurugo, at madalas ay wala na itong ibang sintomas. Mas mahihirapan ilabas ang bata kapag ang nanay ay mayroong Placenta previa.

Placental abruption

Karaniwan itong nagaganap sa mga huling buwan ng pagbubuntis. Ang placenta ay humihiwalay sa uterus dahilan upang magkaroon ng matinding pagdurugo at matinding pagsakit ng tiyan. Ang ilang kondisyon sa kalusugan katulad ng high blood pressure ay nagpapataas ng posibilidad upang magkaroon ng placental abruption.

Uterine rupture

Ang uterine rupture ay nagaganap kapag ang muscle ng iyong bahay-bata ay napupunit o humihiwalay dahilan upang magkaroon ng matinding pagdurugo. Sa Estados Unidos, napag-alamaan na mas madalas ang uterine rupture sa mga buntis na dating nagpa-cesarean delivery. Bagama’t hindi naman karaniwan ang ganitong kondisyon, ang pagpunit ng muscles ay nangyayari sa mga may dating scar lines sa kanilang bahay-bata.

Marami sa mga kondisyon na nangyayari sa mga huling yugto ng pagbubuntis ay nagdudulot ng pagdurugo at ilan pang sintomas gaya ng sa regular na dalaw. Ngunit, hindi talaga ito dahil sa regla.

Konklusyon:

Imposible na ikaw ay buntis pero may regla. Marami sa mga buntis na kababaihan ang nakakaranas ng kaparehong sintomas ng regla habang nasa kanilang unang trimester. Kabilang ang mga sumusunod:

  • Pagdurugo (Light na kulay lamang, at mabilis)
  • Masakit na puson
  • Matinding pagod
  • Mabilis na pagka-irita
  • Masakit na likod
  • Bottom line

Karaniwan lamang makaranas ng mga sintomas na ito dahil ang iyong katawan ay naghahanda para sa pagbubuntis. Kung ang mga sintomas ay masyadong matindi at hindi nawawala, lalo na’t kung ikaw ay nasa ikalawa o ikatlong trimester ay humingi agad ng tulong.

Minsan, mahirap sabihin kung ang pagdurugo ba ay indikasyon ng medical emergency o hindi. Kaya bilang rule of thumb, kapag ikaw ay dinugo sa alinmang yugto ng pagbubuntis, ay agad magpatingin sa iyong doktor. Lubos na mahalaga na magsagawa ng mga tests kapag ikaw ay nakaramdam ng pagdurugo upang malaman kung ito ba ay harmless intermittent bleeding lamang o di kaya’y senyales na ng miscarriage. Ilan sa mga pagsusuri na maaring gawin ng yong doktor ay ang sumusunod: abdominal palpation, cervical exam, pelvic ultrasound, at pregnancy test.

 

Katotohanan o Maling Paniniwala: Buntis pero may Regla?
5 (100%) 1 vote

KATULAD NA MGA ARTIKULO