Search

Paano Malalaman Kung Buntis Ang Babae?

Paano Malalaman Kung Buntis Ang Babae?

Paano mo malalaman kung buntis ang babae? Ang katanungang ito ay parang napakadaling sagutin. Subalit tandaan, Ang mga babae ay iba-iba, kaya hindi parepareho ang mga sintomas na nagsasabi na ang isang babae ay buntis. Hindi rin parepareho ang mga karanasan ng mga babae sa loob ng siyam na buwang pagbubuntis.

Ang mga palatandaan ng pagdadalang tao ay madalas na mapagkamalan bilang mga sintomas ng buwanang dalaw, kaya may mga pagkakataon na hindi agad napapansin ang pagdadalang tao.

Para tulungan ka sa pagsagot sa tanong na paano ba malalaman kung buntis ang babae, narito ang artikulo na magpapakita saiyo ng mga pangunahing sintomas ng pagdadalang tao.

Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga palatandaan ng pagbubuntis. Tandaan na ang mga ito ay maaaring dahilan na iba pang medikal na kalagayan maliban sa pagiging buntis ng isang babae, kaya ang pagsasagawa ng pregnancy test ang pinakang-tiyak na pamamaraan para matiyak kung ikaw ng aba ay buntis o hindi.

Spotting at cramping

Ilang araw pagkaraan ng paglilihi, ang pertilisadong itlog ay kusang didikit sa bahay bata. Ito ay maaaring maging sanhi ng paglitaw ng unang sinyales ng pagbubuntis – ang spotting o kung minsan, ang paghilab ng tiyan. Ito ay ang pagdurugo ng dulot ng implantation. Nangyayari ito sa loob ng anim hanggang 12 araw pagkaraang mapertilisa ang itlog. Ang paghihilab nang tiyan ay katulad na katulad ng paghilab na dala ng buwanang regla kaya kung minsan, napagkakamalan ng ibang babae na ang pagdurugo na dala ng paglilihi ay ang unang araw ng kanilang dalaw. Tandaan na ang pagdurugo at paghilab na dala ng paglilihi ay hindi gaanong matindi.

Mapapansin sa ilang kababaihan ang pagkakaroon ng maputi, tulad gatas na likdo na lumalabas sa puwerta o ari. Ito ay dahil sa pagkapal ng vaginal wall na maaaring magsimula agad pagkatapos ng paglilihi. Ang biglaang paglaki at pagdami ng mga selulang nakahanay sa puwerta ay ang dahilan ng paglabas ng likidong ito. Ang paglabas nito ay maaaring magpatuloy hangang sa ikaw ay makapanganak. Ito ay hindi naman mapanganib at hindi rin nangangailangan ng paggamot. Pero alalahanin na kung ang lumalabas saiyo ay may kakaiba o mabahong amoy, o kaya ay may kasamang pagkirot, paghapdi o pananakit, kailangan mong magpasuri sa doktor para makita kung anong klaseng impeksyon ang dumapo saiyo.

Mga pagbabago sa dibdib

Ang mga pagbabago sa iyong dibdib o mga suso ay isa rin sa tiyak na maagang mga palatandaan ng pagbubuntis. Ang dami ng mga hormone na nasa isang babae ay mabilis na nagbabago matapos ang paglilihi. Dahil sa mga pagbabagong ito, ang mga suso ng babaeng nagdadalang tao ay maaaring mamaga makaraan ang isa o dalawang linggo. Maaari rin itong maging parang mas mabigat, puno o masakit kapag nasasagi. Maaari ring mangitim ang palibot ng utong.

May iba rin namang mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga pagbabago sa suso ng isang babae. Kung ang mga pagbabagong ito ay dahil sa pagbubuntis, tandaan na ito ay hindi maaalis, o lalala pa nga sa mga susunod na buwan.

Pagkahapo

Ang pagkahapo o matinding pagkapagod ay normal lamang sa pagsisimula ng pagbubuntis. Ang isang babae ay maaaring makaranas ng pagkahapo isang linggo matapos ang paglilihi. Bakit? Ito ay dahil sa biglaang pagtaas ng hormone na kung tawagin na progesterone, ang hormone na komukontrol sa pagbubuntis at iba pang mga salik tulad ng pagbaba ng bloodsugar, pagbaba ng presyon ng dugo o pagtaas ng produksyon ng dugo ay maaaring maging dahilan ng sobrang pagkapagod. Kung pagkapagod o pagkahapo ay dala ng pagbubuntis, mahalaga na magpahinga ng maayos at kumain ng pagkain na mayaman sa protina at iron para malabanan ang masamang epekto nito.

Pagkahilo tuwing umaga

Ang pagkahilo at pagsusuka ay kilalang sintomas ng pagbubuntis. Subalit hindi lahat ng babaeng nagdadalang tao ay meron nito. Ang pinakang dahilan ng pagkahilo ay hindi pa matiyak subalit ang mga hormone na konektado sa pagbubuntis ay nakakapagpapalala ng sintomas na ito. Ito ay maaaring mangyari kahit anong oras sa isang araw subalit ito ay kadalasang pahirap tuwing umaga.

May ilang babae na gustong gustong kainin ang isang pagkaing hindi naman niya dati hinahanap. Sa kabaliktaran, may mga babaeng ayaw na ayaw maamoy ang aisang partikular na pagkain, halimbawa nito ang ginisang bawang, sibuyas at luya. Ang ganitong pag-uugali ay dala ng mga pagbabago sa hormones. Ang epekto ng pagbabagong ito ay napakalakas anupat ang simpleng pagkaalala ng mga pagkaing inaayawan ay maaaring magpabaliktad ng sikmura ng buntis. Ang mga sintomas na ito ay maaaring magtagal hanggang sa ikaw ay makapanganak na. Ito ay maaaring humina o mabawasan pagdating sa ika – 13 o ika – 14 linggo ng pagbubuntis. Panatilihin ang pagkain ng masusustansyang pagkain para masapatan ang mga pangangailangan ng sanggol na nasa sinapupunan. Makipagusap sa iyong doktor para mapayuhan ka ng tama.

Pagkawala ng buwanang dalaw

Ang hindi pagdating ng buwanang dalaw ay siyang pinaka-palatandaan na ikaw ay buntis. Kung hindi na dumating ang iyong regla, ito na ang panahon para kumuha ng pregnancy test kit. Pero tandaan na hindi lahat ng pagka delay ng regla ay dahil sa pagbubuntis. Kung ikaw ay buntis, pwede rin naman na ikaw ay magkaroon ng pagdurugo at baka mapagkamalan mo ito regla. Kaya magtanong sa iyong doktor kung alin ang normal na pagdurugo at alin ang dapat na ika bahala.

May mga pagkakataon na maaaring hindi ka datnan ng iyong buwanang dalaw, maliban sa pagdadalang tao. Ang pagkakaroon ng iregularidad sa mga hormones, matinding pagod, stress o sobra at biglaang pagtaas ng timbang ay ilan lamang sa mga dahilan ng pagkawala ng buwanang dalaw. May mga babae rin na hindi dinaratnan kapag biglaang huminto sa paginom ng birth control pills. Kung pagbubuntis ang pinaghihinalaan mong dahilan ng pagkawala ng iyong buwanang dalaw, ang pregnancy test ang kukumpirma ng iyong hinala.

Narito ang ilan pa sa mga bagay na tutulong saiyo kung paano malalaman na buntis ang babae:

  • Madalas na pag-ihi
  • Kahirapan sa pagdumi
  • Pagbabago-bago ng mood
  • Sakit ng ulo at likod
  • Pagkahilo at pagkawala ng malay

Ang babaeng nagdadalang tao ay maaaring nakararanas ng ganitong mga sintomas. Ang ilang babae ay maaaring makarana ng isa o dalawa lamang sa mga ito. Kung ang mga sintomas na ito ay maging lubhang nakapagpapabigat saiyo, makipagusap sa doktor para malaman kung paano mo mapapagaan ang pagharap sa mga hamon na ito ng pagbubuntis.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Paano Malalaman Kung Buntis Ang Babae?
3.8 (75%) 16 votes