Search

Mga Bawal Sa Buntis: Mga Pagkaing Dapat Iwasan ng Buntis

Mga Bawal Sa Buntis: Mga Pagkaing Dapat Iwasan ng Buntis
loading...

Ikaw ba ay kasalukuyang nagdadalang tao? Malamang na sa unang pagbisita mo sa doktor ay sinabihan ka na nang mga dapat mong kainin. Niresetahan ka ng calcium at folic acid para sa malusog na pagbubuntis. Pero anu-ano ang mga pagkaing bawal sa buntis? Malamang na naguguluhan ka sa mga tips na naririnig mo sa iyong mga kapitbahay mo. Ang artikulong ito ay ginawa para tulungan kang maunawan kung ano ang mga bawal sa buntis, at ano ang mga dahilan sa likod ng bawal na mga pagkain na iiwasan mo sa loob ng siyam na buwan.

Caffeine

Ang caffeine ay isang kemikal na makukuha sa paginom ng ilang partikular na inumin tulad ng kape, tsaa, cola, cocoa o mga energy drink. Sinasabing ang paginom ng sobrang dami ng inuming may caffeine ay isa sa mga itinuturong dahilan ng pagtaas ng posibilidad ng pagkalaglag ng sanggol sa sinapupunan. May isang pagaaaral na ilinabas kamakailan na ang mga babaeng kumukonsumo ng 200 milgramo ng caffeine araw-araw o dalawang tasa ng kape o isang baso ng softdrinks ay dalawang ulit na nanganganib na makunan kumpara sa mga babaeng hindi gaanong umiinom ng kape o iba pang mga produkto na may caffeine. Kaya iminumungkahi ng mga dalubhasa na uminom ng mga inuming decaffeinated lalo na sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis kung kalian napakataas ng panganib na makunan ang isang nagbubuntis.

Malalambot na keso

Makabubuti saiyo ang pansamantalang pag-iwas sa malalambot na keso. Bakit? Ang malalambot na keso ay kadalasan nang hindi linuto ng maayos na maaaring kontaminado ng bakteriyang listeria, na maaaring maging sanhi ng food poisoning. Nakakatakot kumain ng ganitong uri ng keso dahil hindi ito dumaan sa ageing process o proseso ng pagtago na pumapatay sa mga bakteriya sa natural na pamamaraan. Dahil sa ang mga babaeng nagdadalang tao ay may mas mahinang immune system, mas malaki ang posibilidad na sila ay mahawa ng mga sakit na dala ng di tamang pagkain. Ang ganitong mga sakit ay maaaring maging dahilan ng pagkalaglag ng iyong dinadala o pre-term labor kung mahawa ka nito sa unang tatlong buwan ng iyong pagbubuntis.

Karne

Ang karne ay ang pangunahing pinagkukunan ng protina na magpapalusog saiyo at saiyong dinadala. Ngunit tandaan, dapat piliing mabuti ang karne na binibili. Siguraduhing malinis at tama ang pagpoproseso nito para maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na dala ng bakteriyang nasa karne. Iwasan ang pagkain ng di gaanong linutong karne sapagkat ito ay maaaring panggalingan ng parasitong toxoplasma, isang uri ng mikrobyong kayang pumatay ng sanggol sa sinapupunan.

Isda

Baka alam mo na ang ilang malalaking isda na tulad ng tuna ay maaaring kontaminado ng mercury, kemikal na mapanganib sa sanggol. Ang mercury ay isang lason sa utak at mga ugat ng tao na maaaring humadlang sa paglaki ng utak ng fetus sa sinapupunan. Paano nakokontamina ng mercury ang mga isda sa dagat? Kapag ang mercury na galing sa polusyon ay humalo sa tubig, makokontamina ang maliliit na mga halamang kinakain ng isda. Siyempe pa, ang mga organismong kakain sa kontaminadong mga halaman ay makokontamina rin. Ang mga isdang malalaki ang nangunguna sa listahan ng mga isdang bawal sa buntis dahil sa mercury contaminations.

Ang sumusunod na mga uri ng isda ay bawal sa buntis

  • Pating
  • Mackerel
  • Tanggige
  • Tuna

Hindi lahat ng tuna ay masama. Sa katunayan, maaari ka namang kumain ng de-latang tuna basta limitahan mo lamang ito sa isa o dalawang beses na pagkain kada linggo. May ilang buntis na nagpasya na hindi na talaga kumain ng isda hanggang sila ay makapanganak. Mali ang gawaing ito dahil pinagkakaitan moa ng iyong magiging anak ng mga bitamina at mineral na sa isda lamang makukuha. Tandaan na hindi lahat ng isda ay may mercury. Halimbawa nito ay ang salmon, wala itong mercury subalit sagana sa Omega-3 nakailangang-kailangan mo sa iyong pagbubuntis. Isaisip lamang na sa kahit anong isda na iyong kakainin, siguraduhing lutong-luto ang isda bago ito ihain sa hapag.

Mga itlog

Wala namang magsasabi saiyo na bawal kumain ng itlog. Ang itlog ay isa sa pangunahing mapagkukunana ng protina at ilang mahahalagang nutrients na gaya ng choline. Subalit ang itlog ay may mataas na panganib na makontamina ng mga mikrobyong tulad ng salmonella, na napakamapanganib sa mga nagbubuntis. Kaya siguraduhing malinis ang kakaining itlog. Bumili ng sariwang itlog. Itapon ang mga itlog na may basag o may maruming shell. Iwasan ang pagkain ng hilaw na itlog, lutuin itong mabuti bago kainin.

Alak o mga inuming may alkohol

Ang babala sa paginom ng alak o anumang inuming may alcohol ay malinaw, kung ikaw ay buntis o nagpaplanong magbuntis; dapat umiwas ka ng lubusan sa paginom ng inuming de-alkohol. Walang tamang doses ng alcohol sa buntis. Ang paginom nito kahit kaunti lamang ay tiyak na may epekto saiyo at sa magiging anak mo. Ang iyong doktor o midwife ay maaaring magsabi na wala namang masama sa katamtamang pag-inom, subalit magisip ka muna ng maayos bago gumawa ng anumang makakasama kay baby.
Alamin mo ito: ang alcohol ay may kakayahang direktang makapunta sa placenta, kaya kung umiinom ka ng alak, umiinom din ang iyong anak. Ano baa ng epekto ng paginom ng alak sa iyong anak? Mamili ka sa mga sumusunod:

  • Kahirapang matutuhan ang simpleng mga bagay
  • Pisikal na mga kapansanan
  • Mental na mga kapansanan

Mga pagkaing dapat mong kainin

Ngayong natapos na nating isa-isahin ang mga bawal sa buntis, pag-usapan naman natin ang mga pagkaing dapat mong kainin kung ikaw ay nagdadalang tao.

Mga pagkaing sagana sa omega-3. Ang omega-3 ay isang uri ng fatty acid na mahalaga sa pagdevelop ng utak at nervous system ni baby. Makatutulong din ito sa nanay na maiwasang magkaroon ng postpartum depression. Saan makukuha ang omega-3? Kumain ka ng salmon, anchovies at itlog.

Mga pagkaing sagana sa choline. Ang choline ay isang nutrient na halos katumbas din ng bitamina B. Sinisiguro ng choline ang tamang paglaki at pagdevelop ng utak ng bata pati na rin ang spinal cord niya. Saan mo makukuha ang choline? Sa karne ng baka, sa atay ng manok, itlog at trigo.

Mga pagkaing sagana sa fiber. ang pagkain ng mga mayaman sa fiber ay tutulong sa iyo na maiwasan ang mga problemang dala ng pagbubuntis tulad ng kahirapan sa pagdumi at almoranas. Ito rin ay makatutulong upang mapanatiling nasa tamang level ang asukal sa katawan mo. Makukuha mo ito sa pamamagitan ng pagkain ng oat-meal, prutas at mga gulay.

Calcium. Ang calcium ay mabuti para sa mga buto. Ang mga babae na may kakulangan sa calcium ay mas nanganganib na magkaroon ng mga komplikasyon sa pagbubuntis, katulad ng mataas na presyon ng dugo at preeclampsia. Saan makukuha ang calcium? Uminom ng gatas, matitigas na keso, yogurt at mga lamang dagat.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Mga Bawal Sa Buntis: Mga Pagkaing Dapat Iwasan ng Buntis
3.9 (78.33%) 12 votes

loading...