Search

Gamot sa Kabag ng Baby: Mga bagay na dapat mong malaman

Gamot sa Kabag ng Baby: Mga bagay na dapat mong malaman
loading...

Ang kabag ay isang pangkaraniwang karamdaman na nararanasan ng isang bata. Ito ay nakakaapekto sa “isa sa apat na bata” ayon sa pahayagang Globe and Mail ng Canada. Ang kabag ay nakakabahala lalo na sa mga sanggol na isa hanggang apat na buwan pa lamang. Ngunit ano ba ang sanhi ng kabag ng sanggol?

Ano ba ang sanhi ng kabag ng sanggol?

May anim na pangkaraniwang dahilan ang kabag ng baby. Ito ay ang mga sumusunod:

  • Maling paraan ng pagpapakain: nagreresulta sa mas maraming hangin na nalulunok ng bata
  • Sobrang pagpapakain: labis na pagkain na napapasok sa tiyan ng bata sa isang kainan
  • Hindi pa masyadong nadedebelop ang sistema ng pantunaw: kailangan na matutunan ng sistema ng pantunaw ng isang bata ang tamang pagpoproseso ng pagkain, hangin at dumi. Linilinang pa nito ang microflora o mga mabubuting bakterya na nasa ating daluyan ng pagkain.
  • Pagiging sensitibo sa pagkain: may mga sanggol na alerdyik sa mga uri ng compounds na nasa ilang pormula ng gatas.
  • Sobrang lactose: kapag maraming gatas ang isang ina, kadalasan ay mas marami siyang mailalabas na tinatawag na foremilk na sagana sa tinatawag na lactose. Ang bata ay hindi makakakuha ng sapat na hindmilk at ito ay mauuwi sa sobrang pagpapakain at kabag.
  • Sobrang pag-iyak: ang pag-iyak ay nagdudulot na makakalunok ng hangin ang bata patungo sa kanilang sistema ng pantunaw.

Ano ba ang mga simtomas ng kabag ng baby?

Ito ay ilan sa mga karaniwang simtomas ng kabag ng sanggol:

Sobrang pagdighay o sinok. Hinihimok ang mga magulang na padighayin ang sanggol pagkatapos nitong sumuso. Ngunit ang sobrang pagdighay at paminsang sinok ng isang sanggol ay senyales na may kabag ito.

Sobrang paglalaway. Ang paglalaway ay normal sa isang baby at kadalasan sinasabayan ito ng pagdighay habang sumususo o pagkatapos sumuso. Ngunit may panahong dahil ito sa mabilis at sobrang pagpapakain o kaya ay dahil sa may kabag ang baby.

Paninigas ng tiyan. Ito ay ang komon na senyales ng kabag ng sanggol. Ang paninigas ng tiyan ay maaring dahil sa sobrang hangin na nasa bituka ng bata.

Sobrang pag-utot. Kadalasang nasa 15-20 beses na umuutot ang isang sanggol sa isang araw. Ang sobrang pag-utot ng isang sanggol ay maaaring senyales na hindi ito natunawan.

Sobrang pagpapakaabala. Ang pag-iyak ng baby ay maaring dahil sa gutom, sakit, pagod, o kaya ay kabag.

Gamot sa kabag ng baby

Ano ang maaaring gawin upang maibsan ang kabag ng baby?

May apat na bagay na maaring gawin:

  1. Tamang posisyon ng pagpapakain. Kung nagpapasuso, panatilihing ang ulo at leeg ng bata ay nasa posisyong mas mataas kesa sa kanyang tiyan. Kung bottle fed naman, pakainin siya ng nasa bertikal na posisyon at nakahilig ng kaunti ang bote upang pumaitaas ang hangin mula rito.
  2. Padighayin habang o pagkatapos kumain. Sinasabi ng mga pedyatrisyan na mainam na posisyon ang pag-upo o kaya ay ang pagpapatindig ng bata o paghawak sa kanya sa ibabaw ng balikat.
  3. Ikonsulta sa isang espesyalista kung nagpapasuso. Siguraduhing tama ang paraan ng pagpapakain, kung sobrang mahina o mabilis ba ito at ang dalas ng pagpapasuso.
  4. Gumamit ng tamang bote at pormula ng gatas kung bottle fed. Dapat na malambot ang nipple ng bote at tama ang pag agos ng gatas mula rito upang hindi masobrahan ang sanggol at maiwasan ang kabag.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Gamot sa Kabag ng Baby: Mga bagay na dapat mong malaman
3.3 (66.67%) 3 votes

loading...