Search

Gamot Sa Ubo At Sipon Ng Baby: Mga Alternatibo Bago Magpainom Ng Antibiotic

Gamot Sa Ubo At Sipon Ng Baby: Mga Alternatibo Bago Magpainom Ng Antibiotic

Dahil sa pag aalala, ang mga magulang ay kadalasang tumatakbo agad sa botika kapag may sipon ang kanilang mga anak, para bumili ng gamot sa sipon at ubo ng baby. Subalit ang mga dalubhasa sa kalusugan ng sanggol ay nagbababala na ang mga gamot na nabibili sa botika na hindi na nangangailangan ng riseta ay hindi gaanong epektibo pagdating sa ubo at sipon ng bata at maaaring maging mapanganib sa mga batang anim na taon pababa.

Ito ba’y nangangahulugan na pababayaan mo na lamang na mahirapan ang iyong anak? Hindi naman. Bagaman si baby ay may ubo, sipon o trangkaso, may magagawa ka para maibasan ang paghihirap ng iyong anak kahit nasa bahay ka lang. Kahit hindi nito kayang paiksiin ang mga araw ng pagkakasakit na maaaring umabot ng sampung araw bago mawala, makakatulong ito na mabawasan ang kanyang paghihirap.

Gamot sa sipon ng baby: Sapat na pahinga

Sinasabing nangangailangan ng sapat na lakas ang katawan ng isang tao para labanan ang anumang uri ng impeksyon, kaya ang pagkakaroon ng impeksyon ay nakapanghihina kahit sa bata o mga adulto man. Kung ang iyong anak ay nagpapahinga, siya ay gumagaling, kaya ang pahinga ay kailangang kailangan ni baby kapag siya ay may sipon at ubo.

Ang mga pag aaral ay nagsasabing ang stress o kaigtingan ay nakapagpapalala din ng sakit. Kung ang iyong anak ay napipressure dahil sa school, mga kaibigan o anumang pangyayari sa loob ng bahay, ang pagbibigay sa kanya ng pagkakataong makapagpahinga ay ang pinaka kailangan niya.

Ito ang panahon para papanoorin mo siya ng paborito niyang palabas sa TV o video sa internet. Baka makatulong din ang pagbili ng bagong mapagkakaabalahan tulad ng coloring pen at coloring book.

Paggamit ng bulb syringe

Kapag ang baby ay masyado pang bata para maisinga ang sipon na nasa ilong niya, ang paggamit ng saline drop o ng bulb syringe ay makakatulong para maalis ang bara sa ilong. Ang bulb syringe ay epektibo sa mga baby lao na kung ang baradong ilong ay nagiging dahilan kung bakit hindi siya maka dede. Sa pagkakataong ito, gamitin ang bulb syringe 15 minuto bago magpa dede. Nakabibili ng bulb syringe sa karamihan sa mga botika dito sa Pilipinas.

Isa pang epektibong paraan upang maibsan ang hirap ni baby na dala ng baradong ilong ay ang pagbibigay sa kanya ng saline drops, na nabibili rin sa botika. Kapag si baby ay dalawang taon na o higit pa, hindi mo na kailangan ng reseta para bilihin ito.

Pwede ka rin gumawa nito sa bahay. Sa isang malinis na baso, paghaluin ang tatlong kutsarita ng asin at isang kutsarita ng baking soda. Gumamit ka ng ordinaryong asin na walang iodine para hindi masaktan ang ilong ni baby. Tunawin ang kalahati ng pinaghalong asin at baking soda sa apat na onsa ng malinis at maligamgam na tubig.

Tandaan, gumamit lamang ng distilled water o pinakuluang tubig sa loob ng tatlo hanggang limang minute at pinalamig hanggang maging maligamgam. Ang mga mikrobyo sa hindi pinakuluang tubig ay maaaring mabuhay at magparami sa loob ng ilong ni baby at posibleng maging sanhi ng isang seryosong impeksyon. Ang mga bacteria ay maaaring mabuhay sa saline drops na ginawa mo, kaya dapat mo itong itapon sa loob ng 24 oras kapag hindi mo na nagamit.

Iangat ang ulo ni baby sa pamamagitan ng paggamit ng unan o pinakapal na tuwalya. Patakan ng dalawa o tatlong ulit ng saline drops ang magkabilaang butas ng ilong ni baby para matunaw at gawing hindi malapot ang sipon na nakabara sa ilong. Panatilihing nakaangat ang ulo ni baby sa loob ng 30 segundo, mas maikli kung mas bata pa ang sanggol.

Ipasok sa ilong ang bulb syringe at higupin sa pamamagitan nito ang sipon na bumabara sa ilong. Alisin ang syringe at pakawalan ang nakolektang sipon. Ulitin ito sa kabilang butas ng ilong. Ulitin kung kinakailangan.

Huwag itong gagamitin ng maraming ulit sa loob ng isang araw dahil maaari itong makasugat sa loob ng ilong. HUwag mo ring gagamitin ang saline drops ng apat na sunod sunod na mga araw dahil maaari itong makapagpatuyo sa ilong, na maaaring makapagpalala ng sitwasyon ng iyong anak.

Painumin ng maraming tubig

Ang pagpapainom ng maraming tubig ay makatutulong na labanan ang dehydration at makaalis ng lapot ng sipon para madali itong mailabas.

Para sa mga baby na hindi pa lalagpas ng isang taong gulang, painumin siya ng gatas ng mas madalas para maiwasan ang pagkawala ng tubig sa katawan. Ang pagpapainom ng tubig sa mga sanggol na isang taong gulang pataas ay ang pinakamabisang paraan subalit may mga bata na ayaw uminom ng tubig dahil wala naman itong lasa. Pwede kang gumawa ng fruit juice para maiba naman.

Tandaan, panatilihin ang pagpapainom ng gatas sa baby na wala pang anim na buwan maliban na sabihan ka ng doktor na magpainom ng maraming tubig. Ang mga sanggol na wala pang anim na buwan ay hindi gaanong nangangailangan ng tubig sa katawan at ang sobrang tubig ay maaaring makasama.

Maligamgam na tubig at sabaw ng manok

Ang maligamgam na tubig ay nakapagpapaalis ng masamang mga sintomas ng sipon. May mga pag aaral na nagsasabing ang mainit na sabaw ng manok ay makakatulong para maibsan ang mga sintomas ng sipon at ubo tulad ng pag kahapo, sakit ng katawan, baradong ilong at lagnat.

Pag angat ng ulo

Ang pag angat ng ulo ni baby kapag siya ay may sipon at nagpapahinga ay tutulong sa kanya na makahinga ng maayos.

Kung ang iyong anak ay natutulog sa crib, maglagay ka ng makapal na tuwalya o manipis na unan sa ilalim ng ulo ni baby. Huwag mong patataasin ang mga paa ng crib dahil maaari itong pagmulan ng aksidente.

Kung si baby ay natutulog sa malaking kama, ang pagpatong ng isa pang unan ay maaaring makatulong. Kung malikot siyang matulog, ilagay mo sa ilalim ng sapin ng higaan ang makapal na tuwalya o unan para maging mas komportable ang pagtulog niya.

Gamot sa sipon at ubo nb baby: Magpainom ng honey

Ang honey ay isa sa natural na mga gamot sa sipon at ubo ng baby. Binabalot at pinapakalma ng honey ang lalamunan para matigil ang sobrang pag ubo. May mga magkakahiwalay na pag aaral ang nagsasabing ang pag inom ng honey ay nakakapagpabawas ng pag ubo sa loob lamang ng magdamag.

Bigyan si baby ng kalahati hanggang isang kutsarita ng honey. May ibang mga magulang na ihinahalo ang honey sa mainit na tubig na may halong kalamansi para sa karagdagang vitamin C.

Tandaan, huwag magbibigay ng honey sa baby na hindi pa isang taong gulang. Ito ay maaaring maging sanhi ng matinding kabag na maaaring ikamatay ng sanggol.

Gaano kapakipakinabang ang artikulong ito?

Gamot Sa Ubo At Sipon Ng Baby: Mga Alternatibo Bago Magpainom Ng Antibiotic
2 (40%) 5 votes